Sagot ng PhilHealth sa Editoryal ng PM
Ito ay bilang tugon sa inyong editorial na “Batik na naman sa PhilHealth,” na nailathala sa inyong pahayagan noong ika-22 ng Pebrero, 2020.
Lubos naming nauunawaan ang inyong saloobin ukol sa isyung ito, ngunit hayaan ninyong magbigay-linaw kami sa ilang bagay at nawa ay bigyan ninyo ng bukas na pang-unawa ang mga ito.
Ang mga pekeng resibo ay inisyu ng liaison officers ng mga recruitment agency para sa mga kontribusyong kinolekta nila sa mga OFWs ngunit hindi ini-remit sa PhilHealth. Sa ngayon, walang ebidensiya na sangkot ang sinumang opisyal sa pagpepeke ng mga resibong ito.
Ang modus na ito ay kaagad namang ini-report sa National Bureau of Investigation (NBI) noong 2015 para sa mas masusing imbestigasyon. Mula noon ay putuloy na kaming nakikipag-ugnayan sa NBI para sa kinakailangang legal na aksyon laban sa mga may gawa nito.
Sa halip na P16 milyon na naunang napaulat ay may kabuuang P1.2 milyon halaga ng kontribusyon ang aming natanggap na report at na-validate na. Sa kasalukuyan ay P535,000 na rito ang nabawi ng PhilHealth, habang ang balanse ay patuloy pa ring sinisingil sa mga recruitment agency.
Upang maiwasan na ang pangyayaring ito ay patuloy na pinagbubuti ng PhilHealth ang IT systems nito. Tuluy-tuloy rin ang koordinasyon nito sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) para sa kinakailangang mekanismo para maprotektahan ang PhilHealth contributions ng mga OFW alinsunod na rin sa naunang approval ng Governing Board ng POEA ukol sa bagay na ito noong Enero 2019.
Hinggil naman sa isyu ng “ghost dialysis,” amin na pong inalisan ng akreditasyon ang pasilidad na sangkot dito at kinasuhan na rin ang mga taong sangkot dito. Ang kaso ay nasa NBI na at kami ay masusing nakikipagtulungan sa kanila.
Patungkol naman sa P154 bilyong “bogus” claims na inyong iniugnay sa isyung ghost dialysis, amin pong binibigyang-diin na hanggang sa kasalukuyan ay walang nakitang ganitong halaga ang mga iba’t ibang ahensya na nagsagawa ng imbestigasyon.
Nawa ay mabigyang puwang ninyo ang aming paglilinaw na ito sa inyong pahayagan sa diwa ng patas na pamamahayag. Salamat po inyong pagmamalasakit sa ating programa. Shirley B. Domingo, M.D. Vice President for Corporate Affairs, PhilHealth
- Latest