Pabrika, nireklamo sa BITAG
HINDI maituturing na “wonderful” ang isang negosyo kung may paglabag na sa karapatan ng mga manggagawa. Tulad nitong inireklamong pabrika, Wonderful Plastic Manufacturing pa man din ang pangalan, pero ang pagtrato sa mga empleyado, hindi kahanga-hanga!
Reklamo ng mga trabahador, P300 lang kada araw ang sahod, walang overtime pay, walang benepisyo, at kinakandado pa sila sa pabrika ‘pag may dumating na inspektor galing sa DOLE!
Nang komprontahin ng Ama ng siyudad ng Valenzuela na si Mayor Rex Gatchalian ang inirereklamong factory, lumabas ang kagaspangan ng ugali ng kanilang operations manager! Huli na nga, pinagpipilitan pa rin ang baluktot nilang pangangatwiran!
Hamon ni Mayor, itama ang pasahod sa humigit-kumulang 200 nilang empleyado. Pero si kurdapya, humirit pa na 75% lang daw ng minimum wage ang kanilang ipasasahod. Sinusubukang lumusot pero nadulas pa rin sa mismong bibig ng manager na lumalabag sila sa batas.
Ang business permit ay isang pribilehiyo na ibinibigay ng lokal na pamahalaan sa negosyante at may kaakibat itong responsibilidad na dapat nilang sundin – sanitation law, environmental law, at labor law. Babala ng alkalde, kung patuloy silang lalabag, puwedeng bawiin ang kanilang permit at ipasara ang negosyo.
Kinabukasan, nang mag-spot inspection ang DOLE at City Business Permit and Audit Team (CBAT) ng Valenzuela sa factory, ginigiit ng Officer-in-Charge na mag-abiso raw muna dapat bago sila papasukin.
Nasanay raw kasi sila noon na may notice na ipinapadala galing sa City Hall ‘pag may mag-iinspeksyon. Umaayon sa sumbong ng mga nagrereklamo na may tumitimbre sa pabrika sa tuwing may nagrereklamo.
Ang protocol sa DOLE, gawin agad ang pag-iinspeksiyon pag nakapasok na sa lugar. Pero itong pabrikang subject for inspection, gumagawa ng sariling panuntunan! Abiso raw muna bago inspeksyon.
Lakas ng loob nitong kolokoy na hamunin ang mga nasa kinauukulan! Abangan ang resbak ng BITAG, Mayor Rex Gatchalian, CBAT, at DOLE!
- Latest