Sa ulap tayo magtatagpo (Part 6)
HINDI inilibing si Laura sa sementeryo dahil may ibang espiritwal na paniniwala ang kanyang mga magulang. Sa bakuran lang nila nakalibing si Laura sa ilalim ng puno ayon sa kuwento ng aming school bus driver.
“Laura hindi kaya may kinalaman ang hindi mo pag-akyat sa langit sa lugar ng pinaglibingan sa iyo?”
“Hindi ko alam. Basta’t iyon na ang nakagisnan kong kaugalian ng aming relihiyon. ”
Habang nag-uusap kami, napansin kong tila giniginaw si Laura. Sa isip ko: Kaluluwa, nagiginaw?
“Ipatong mo ang iyong kamay sa aking palad at saka pumikit ka” sabi ko kay Laura
Inilahad ko at aking ibinuka ang dalawa kong palad. Ipinatong niya rito ang tig-isa niyang kamay. Hinipan ko iyon ng aking hininga. Tatlong ulit ko itong hinipan. Napangiti si Laura.
“Salamat Jef. Unti-unting nawala ang aking panlalamig”
Inilapit niya ang kanyang mukha sa aking pisngi at ako ay hinalikan. Bakit ganoon. Espiritu na lang siya pero damang-dama ko ang kanyang halik? Ako kaya ay nababaliw na o masyado lang mayaman ang aking imahinasyon.
Naging bahagi na ng aking buhay si Laura. This time naging maingat na ako sa aking pakikipag-usap sa kanya dahil marami na sa aking mga ka-service sa bus ang nawiwirduhan sa akin. Madalas nila akong nahuhuling nagsasalitang mag-isa. Akala nila ay mag-isa lang ako dahil siyempre hindi nila nakikita si Laura. Minsan niyaya ko siyang subukan na sumabay sa akin na bumaba ng bus. Nagpahuli ako sa pagbaba. Hinintay kong nakababa na ang lahat pati ang driver. Kunwari ay may inaaayos ako sa aking bag. Inakay ko siya patungo sa pintuan ng bus. Nang ihahakbang na niya ang paa pababa sa bus, may isang nakakatakot na nilalang ang pumigil sa kanya. Napasigaw si Laura. Nakakakilabot ang hitsura ng nilalang na iyong. Korte itong puno na may isang mata. Ang puno ay napapaligiran ng lumot na nakakadiri. Tila ito may berdeng sipon na tumutulo. Nabitawan ko si Laura. Babalikan ko sana siya pero sumara ang pintuan ng bus.
(Itutuloy)
- Latest