EDITORYAL - Trahedya sa dagat: Kailan matututo?
PAULIT-ULIT na lamang ang nangyayaring trahedya sa karagatan. Kapag nangyari ang trahedya, maghihigpit ang kinauukulan pero makaraan ang ilang buwan o taon, muli na namang luluwag hanggang sa may maganap na namang trahedya. Kailan matututo?
Sa mga nangyaring trahedya sa karagatan, maraming pasahero ang nagbuwis ng buhay. Sila ang kawawa na kung tutuusin, maari namang maiwasan ang trahedya kung nagkaroon lamang ng matalinong pagpapasya ang mga kinauukulan at mismong may-ari ng sasakyang pandagat. Huwag nang ipaggiitan ang paglalayag kung inaakalang may nakaambang sama ng panahon.
Ang paglubog ng tatlong bangkang pampasahero sa Iloilo-Guimaras Strait noong Agosto 3 na ikinamatay ng 31 pasahero ay nakalulunos. Sa isang iglap, 31 buhay ang nawala at mahirap isipin na sa kabila nang mahigpit na pagbabantay para makaiwas sa disgrasya, naulit muli ang malagim na trahedya.
Ayon sa report, tumaob ang mga bangka makaraang salpukin nang malalaking alon ilang oras makaraang makaalis sa port. Nakapagtataka naman na bakit hinayaang makaalis ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga bangka gayung may anunsiyo na ang PAGASA na may papalapit na bagyo. Kahit walang typhoon signal dapat isinasaalang-alang pa rin kung kakayanin ba ng mga bangka ang malalaking alon. Ang PCG ang may awtoridad kung hahayaan o hindi ang paglalayag.
Ayon sa report, karamihan sa mga pasahero ay walang suot na life vest kaya nang tumaob ang bangka, marami agad ang nalunod. Ilan sa mga namatay ay nakuha sa ilalim nang tumaob na bangka. Ilan sa mga bangkay ay napadpad sa dalampasigan. Nailigtas naman ang 65 pasahero.
Itinigil na ng Coast Guard ang search and rescue operations noong Miyerkules. Lahat na raw ng hinahanap ay nakita na. Wala na raw kamag-anak na naghahanap sa kanilang kamag-anak.
Nararapat namang magkaroon ng imbestigasyon kung ano ang tunay na dahilan at nangyari ang trahedya. Dapat ay malaman ang katotohanan kung sino ang nagkulang. Sa rami ng casualties, may naaamoy na hindi tiniyak ang kaligtasan ng mga pasahero. Naghihigpit na ngayon ang PCG dahil sa nangyari. Hanggang kailan uli ang paghihigpit na ito? Kailan matututo?
- Latest