Huwag payagan ang mga illegal Chinese na magtrabaho sa bansa
Labis akong nagulat sa pahayag ni President Duterte na hayaan na raw ang mga illegal Chinese na magtrabaho rito sa bansa sapagkat kung palalayasin daw ito ay baka masama ang maging epekto sa mga kababayan nating illegal din na naninirahan sa China. Baka raw pauwiin din ang mga ito at paano ang mangyayari sa kanilang buhay kapag nangyari ang ganyan. Humigit kumulang daw ay 300,000 ang illegal Pinoys sa China samantalang 119,000 ang mga illegal Chinese na nasa bansa at nagtatrabaho.
Para sa akin, hindi dapat payagan ang mga Chinese na magtrabaho rito sapagkat mawawalan o maaagawan ng hanapbuhay ang mga Pinoy mismo. Paano ang mangyayari sa mga Pinoy kapag wala silang nakuhang trabaho? Baka ang mangyari sa hinaharap, mas mayaman pa ang mga Chinese kaysa Pinoy. Ang mga Chinese ay makakabili nang lahat nilang pangangailangan kasama ang masasarap na pagkain, samantalang ang mga Pinoy ay nagdidildil ng asin.
Nakakatakot din na sa pagdami ng mga Chinese rito ay baka lalong kapusin tayo sa pagkain. Kulang na kulang nga ang pagkain natin at paano pa kung maraming Chinese rito. Sa bigas na lang ay kinakapos tayo at maging sa iba pang pangangailangan.
Isa pang nakakatakot sa pagdami ng Chinese rito ay baka sakupin na lamang tayo. Hindi maiaalis na ganito ang isipin dahil noon daw World War 2 ay maraming Hapones na nakita muna rito at kasunod ay ang pagkakaroon ng giyera. Yung mga Hapones daw na narito ay nagsuot na ng uniporme. Sila pala ay mga sundalo na nagbalatkayong sibilyan. Kumbaga, advanced party sila.
Hindi ako pabor sa pagpayag ng Presidente na hayaan na lang magtrabaho ang illegal Chinese dito. Kawawa naman tayo kung maaagawan ng ikabubuhay. Sana mapag-isipan ito ng Presidente at bawiin ang unang pahayag. Hindi dapat makihalo ang mga Chinese porke at magkaibigan sina Duterte at President ng China. Huwag itong abusuhin. --- FRANCISCO QUINAYAN, Project 6, Quezon City
- Latest