Siklista mula Scotland pinakamabilis na babaing naikot ang mundo sakay ng bisikleta
ISANG siklista mula Scotland ang naging pinakamabilis na babae na naikot ang buong mundo habang sakay ng bisikleta.
Nagawa ito ni Jenny Graham sa loob lamang ng 124 araw, na mas mabilis ng halos tatlong linggo mula sa dating world record.
Dumating ang 38-anyos na taga-Inverness, Scotland sa Brandenburg Gate sa Berlin noong nakaraang Huwebes upang kumpletuhin ang kanyang paglalakbay. Nagawa niyang ikutin ang buong mundo ng mas mabilis ng 20 araw kumpara sa 144 na araw na naitala ng taga-Italy na si Paola Gianotti noong 2014.
Sinimulan ni Graham ang kanyang round-the-world na paglalakbay sa Berlin noong Hunyo 16 at nagbisikleta siya 15 oras kada araw ng walang kahit anumang tulong at habang bitbit-bitbit ang lahat ng kanyang gamit. Sa isang araw ay nasa 256 kilometro ang kanyang nalalakbay.
Apat na kontinente at 16 na mga bansa ang dinaanan ni Graham para sa kanyang halos 29,000-kilometrong ruta.
Mula Germany ay nagtungo siya papuntang Poland, Latvia at Lithuania, pati na rin sa Russia, Mongolia at China. Dinaanan din niya ang Australia, New Zealand at Canada, US, Portugal at Spain bago siya naglakbay pabalik ng Germany sa pamamagitan ng France, Belgium at Holland.
Hindi lamang bisikleta ang sinakyan ni Graham dahil naka-apat din siyang flights at isang beses na pagsakay sa bangka.
Sa ngayon, hindi pa opisyal ang world record ni Graham dahil kailangan pang kumpirmahin ng Guinness ang lahat ng datos ukol sa kanyang naging paglalakbay.
- Latest