Matandang Tinali (75)
“MUKHANG marami kang ikukuwento, Dong,” sabi ni Manong Naldo habang naglalakad sila patungo sa kubo. Bitbit ni Dong ang plastic bag ng groceries at si Manong Naldo naman ay ang mga huli nitong dalag at hito.
“Marami talaga, Manong. Hindi malilimutang karanasan ang nangyari sa akin sa loob ng anim na buwan.’’
“Aba mukhang mabigat nga.’’
“Opo Manong. Mabigat talaga.’’
Maya-maya pa, nakarating na sila sa kubo. Malinis na malinis ang paligid. Maraming namumulaklak na halaman.
“Ang ganda ng bakuran ko, Manong.’’
“Inalagaan ko.’’
“Akala ko umalis ka Manong dahil hindi na ako sumisipot.’’
“Naku hindi. Alam kong babalik ka rito.’’
“Naimadyin ko, magubat na itong farm ko. Mali pala ako, malinis na malinis pala, ha-ha-ha!’’
Umakyat sila sa kubo.
“Teka at magsasaing ako Dong para makakain ka nang masarap. Gagataan ko itong dalag at iihawin ang hito. Masarap ito dahil sariwang-sariwa.’’
“Sige Manong. Mayroon akong dalang alak diyan. Imported. Shot tayo bago kumain.’’
“Sige. Matagal na ring hindi nasasayaran ng imported ang lalamunan ko.’’
Nagtawa si Dong.
Nagsaing si Manong Naldo. Pagkatapos ay ang pag-iihaw sa hito at pag-aadobo sa dalag ang isinunod.
Nanonood at nakikipagkuwentuhan si Dong.
Maya-maya pa, nasamyo ni Dong ang inihaw na hito na tinuhog ng stick. Mabangung-mabango.
Binuksan ni Dong ang imported at nag-shot sila. Pinulutan nila ang inihaw na hito.
Nang maluto ang sinaing at ang adobong dalag sa gata, kumain na sila. Nagkamay sila.
Busog na busog sila.
Nang mapatanaw si Dong sa bintana. Nakita ang kubo sa kabilang farm.
“May tao na sa kubo, Manong?’’
“Oo.”
(Itutuloy)
- Latest