Wala nang putukan kaya wala nang masusugatan
Magandang desisyon ang ginawa ni President Duterte na ipagbawal ang firecrackers sa buong bansa. Sa lahat ng mga naging Presidente ay si Digong lamang ang nagkalakas ng loob na ibawal ang pagpapaputok. Siya lamang ang may kakayahan at tapang na itigil ang walang kuwentang pagpapaputok na ang dulot lamang ay pinsala sa katawan at malaking gastos.
Ngayong mayroon nang batas na bawal magpaputok, palagay ko ay mababawasan na ang mga mapuputulan ng daliri o kaya ay mabubulag. Wala nang batang aaringking sa sakit habang ginagamot ang kanyang sugat na likha ng piccolo, rebentador o super lolo.
Wala na ring sunog na magaganap dahil sa mga kuwitis na pumapasok sa bahay. Wala na ring mag-aaway na magkapitbahay dahil sa malalakas na paputok.
Tama ang suhestiyon na sa isang lugar na lamang gawin ang pagpapailaw. Kailangan lamang ay sa isang maluwang na parke sa barangay gawin para mapanood nang maraming tao. Palagay ko, magiging atraksiyon din ito at dadayuhin kapag napanood ang masayang pagpapailaw.
Hindi naman dapat gawing katwiran ng mga manufacturer ng paputok na inalisan sila ng hanapbuhay ng Duterte admin dahil sa pagbabawal ng paputok. Bakit hindi sila maghanaop ng ibang ikabubuhay? Bakit kailangang isisi sa Presidente ang lahat. Hindi dapat maging sarado ang isipan ng mga gumagawa ng paputok. Dapat nilang tanggapin na hanggang dito na lang ang kanilang pamamayagpag sa paputok. Talikdan na ang mapanganib na gawain. --- DANILO PALER, Santander St. Sampaloc, Manila
- Latest