Influence peddling katumbas ng katiwalian
DAPAT ibunyag na sa lalong madaling panahon ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon ang mga kongresista at iba pang opisyal ng gobyerno na sangkot sa influence peddling.
Ang influence peddling ay hindi na bago sa ating gobyerno dahil kadalasan ay gumagamit ng impluwensiya ang ilang Kongresista. “Nambrabraso” sila sa pamamagitan ng paggamit ng poder para maipilit ang kagustuhan.
Muling nabunyag ang usapin mg influence peddling matapos ang endorsement letter ni House Speaker Pantaleon Alvarez na nagtutulak upang mai-promote ang isang opisyal sa Customs.
Makakabuting pangalanan na ni Faeldon ang mga mambabatas at iba pang opisyal na maituturing na influence peddler upang mapahiya at malaman ng publiko upang huwag nang maiboto sa susunod na eleksiyon.
Maituturing na isang katiwalian ang influence peddling na dapat parusahan ang mga opisyal na sangkot dito.
Tama si Faeldon na dapat ay magkaroon ng batas na nagbabawal sa lahat ng opisyal ng gobyerno sa pangunguna mga kongresista at senador na mag-endorso ng sinuman para sa promosyon o maipasok sa isang ahensiya ng pamahalaan dahil isa ito sa ugat ng corruption sa gobyerno.
Makakabuting ilantad din sa publiko kung anong klaseng negosyo ang pamilya ng mga senador at kongresista upang malaman kung gumagamit ito ng impluwensiya sa ahensiya ng gobyerno.
Pero ang malaking tanong ay kung may delicadeza ang mga mambabatas na magsabi ng totoo o baka kailangan pa ng batas at ilantad ang kanilang pangalan.
- Latest