Napaaga ang pulitika?
KAKAIBA na ang eksena ngayon sa bansa partikular ng mga pulitiko mula administrasyon at oposisyon.
Ang senaryo ngayon ay para bang malapit na ang eleksiyon kaya ang mga pulitiko ay tila magkakalaban na naman.
Wala pang isang taon matapos na maupo sa puwesto ang bagong administrasyon ay umiinit na agad ang pulitika.
Agad may naghain ng impeachment complaint laban kay President Duterte. Pero alam naman nang lahat na malabong makalusot ito sa Kongreso.
Sa ngayon, maituturing na popular pa ang Presidente at kaalyado nito ang mayoryang mambabatas na may poder kung nais umusad o hindi ang impeachment.
Ika nga ay numbers game ang impeachment kaya kung hindi makukuha ang sapat na bilang ng mga kongresista ay malabo itong magtagumpay.
Nagbatuhan na ng akusasyon at idinawit na rin ang tumatayong lider ng oposisyon na si Vice President Leni Robredo na may kinalaman umano sa impeachment laban kay Duterte.
Siyempre, ang resulta ay ang walang humpay na batuhan ng akusasyon na maaaring maapektuhan ang katatagan ng pulitika sa bansa.
Higit sa lahat, baka malihis na ang atensiyon ng gobyerno sa pinakaimportanteng problema ng mga Pilipino at ito ay ang ekonomiya at kabuhayan ng bansa.
Sana naman, magsitigil na ang lahat ng kampo at magkaisang ituon ang pansin sa mga prayoridad ng bansa.
- Latest