Eroplanong humihiwalay ang cabin sakaling may aksidente, dinisenyo para sa kaligtasan
ISANG engineer mula Ukraine ang nagdisenyo ng isang bagong klaseng eroplano na humihiwalay ang cabin sakaling makatagpo ito ng aksidente.
Ang eroplano ay dinisenyo ng aviation engineer na si Vladimir Tatarenko. Tatlong taon ang kanyang ginugol sa pagdisenyo ng kakaibang eroplano na ito dahil layunin niyang maging mas ligtas pa ang paglalakbay sa himpapawid.
Maaring makapagligtas ng maraming buhay ang disenyo ni Tatarenko dahil sa kakaibang cabin nito. Ang cabin ay ang bahagi ng eroplano kung saan nakasakay ang mga pasahero at base sa disenyo ni Tatarenko ay hihiwalay ito mula sa mga pakpak at engine ng eroplano sakaling magkaroon ng problema sa paglipad. Pagkahiwalay ng cabin ay saka naman bubuka ang malalaking parachute upang hindi ito bumulusok sa lupa na maaring ikamatay nang maraming tao.
Pati ang mga kagamitan ng mga pasahero ay magiging ligtas din dahil kasama rin sa humihiwalay na cabin ang compartment para sa mga bagahe.
Hindi naman bilib ang mga airline companies kay Tatarenko dahil magiging mas kaunti ang pasahero at magiging mas magastos sa gasolina ang eroplanong kanyang dinisenyo. Hindi rin sila naniniwala na kailangang baguhin ang kasalukuyang disenyo ng mga eroplano dahil kung tutuusin ay napakaligtas ng pagbiyahe sa himpapawid.
Nitong 2014 ay nasa 10 aksidente lang ang naitala sa bawat isang milyong departure flights. Ito ay sa kabila pa ng mga sakunang sinapit ng MH370, MH17 at ng iba pang mga eroplanong naging laman ng mga balita ng taong iyon.
- Latest