Namamalimos sa mga lansangan, parami nang parami
Kapansin-pansin na talaga ang pagdami ng mga nakakalat na mga namamalimos sa lansangan.
Ang ilan kuntodo costume talaga, may ilan naman nagsusuot na parang Badjao, kahit kita naman na nagpapanggap lang.
Umulan o umaraw walang patid ang mga ito sa lansangan na talagang nakakatawag pansin sa maraming mga motorista at mananakay.
Mukhang DSWD na lang ang hindi nakakapansin.
Madalas ang paglapit ng mga ito sa mga humihintong sasakyan, bitbit ang maliliit na sanggol na walang saplot sa katawan na mistulang ginagamit pa nilang props sa pamamalimos.
Ano ba ang aksyon dito ng kaukulang ahensya ng gobyerno, partikular nga ang DSWD, nalalagay kasi sa panganib at peligro ang mga paslit na nagagamit ng mga matatanda sa ganitong ‘modus’.
Kahit saang pangunahing lansangan sa Metro Manila, grupu-grupong makikita ang mga ito, kaya nga duda ang marami na talagang modus na ito.
Hindi pa kasama rito, ang mga paslit pa rin na humahabol at nagsisisampa sa tumatakbong jeep na may dalang sobre at nanghihingi sa mga pasahero.
Ang concern ng mga motorista eh, baka madisgrasya ang mga ito.
Kung ang mga magulang ng mga batang ito, eh walang pakialam sa kaligtasan ng kanilang mga anak dahil pinababayaan sa ganitong mapanganib na panlilimos, marapat siguro ang pamahalaan na ang umaksyon dito.
Kung ito ay modus o kung nagpapangap lang ang mga ito, dapat na aksyunan ng kinauukulan para hindi mahirati.
At kung ito naman ay dahil sa kanilang matinding kakapusan sa buhay, anong programa ang pwedeng ibigay sa kanila ng pamahalaan.
- Latest