EDITORYAL – Pangalanan, gov’t agencies na inutil sa Yolanda rehab
SINABI ni dating senador at presidential assistant for rehabilitation and recovery Panfilo Lacson na kaya mabagal ang rehabilitasyon sa Eastern Visayas na sinalanta ng Bagyong Yolanda noong Nob. 8, 2013 ay dahil hindi ginagawa ng mga ahensiya ng gobyerno ang kanilang tungkulin para maging mabilis ang pagbangon ng mga taong nasalanta ng bagyo. Mara-ming programa para sa mga biktima subalit hindi ito nai-implement.
Ang paghahayag ni Lacson ay ginawa sa ikalawang anibersaryo ng Yolanda noong nakaraang Nobyembre 8. Inilagay siya sa puwesto ni President Aquino noong Disyembre 2013. Nagbitiw siya sa puwesto noong nakaraang Pebrero 2015.
Sinabi ni Lacson na mabagal ang rehabilitasyon sapagkat mabagal ang pag-release ng pondo para sa mga biktima. Nirekomenda umano ng kanyang tanggapan na buhusan nang pondo ang mga lugar na napinsala at tulungan ang mga biktima na makatayo sa sariling mga paa subalit ang kanyang rekomendasyon ay hindi nagkaroon ng katuparan sa kabila na inaprubahan na ito ni P-Noy. Umano’y P167.8 bilyon ang pondo para sa rehabilitasyon subalit hindi umano ito sinunod ng implementing agencies.
Inutil ang mga ahensiya ng gobyerno kaya hanggang ngayon ay napakabagal ng rehabilitasyon sa mga napinsalang lugar. Imagine, hanggang ngayon may mga nakatira pa sa bunk houses at tent na kapag umuulan ay pumapasok ang tubig baha at kapag matindi naman ang araw ay para silang nasa oven. May mga itinayong bahay subalit kulang na kulang sa pasilidad. Walang tubig at kuryente. Ang kabagalan sa rehabilitasyon ang napuna rin ni Chaloka Beyani, ang UN special rapporteur on human rights of internally displaced person na bumisita sa mga biktima ng Yolanda noong nakaraang taon. Ayon kay Beyani, bagama’t may mga bahay o tirahang ginawa, wala namang sapat na tubig, kuryente at iba pang pangangailangan.
Sana, sinabi na rin ni Lacson ang mga pangalan ng ahensiya ng gobyerno na hindi ginagawa ang tungkulin. Dapat hiyain ang mga namumuno sa ahensiya para matauhan at makonsensiya. Iyan ay kung meron pa silang konsensiya.
- Latest