HPG, bangon-puri sa EDSA
HINDI pa siguro alam ng ilan na masama ang tingin ng mga biyaherong negosyante o truck drivers sa Highway Patrol Group (HPG) ng PNP.
Ang mga biyahero na labas-masok sa Metro Manila mula sa mga probinsiya ay iniiwasan ang ilang tiwaling HPG dahil sa mga reklamo ng pangongotong.
Binansagang “buwitre sa highway” ang HPG dahil kahit legal man o lehitimo ang mga biyaherong negosyante ay naging obligasyon na ng mga ito na mag-abot ng “pang-kape”.
Kahit kaninong biyahero n’yo itanong mayroon na silang inilaan na budget at ibinibigay sa kanilang mga driver para pang-abot sa mga nakabantay na HPG.
Pero dahil sa pagbibigay ng bagong responsibilidad sa HPG sa pagmamando sa trapiko sa EDSA, biglang pumogi ang mga ito sa mata ng publiko lalo na sa Metro Manila.
Matatawag na bangong-puri sa imahe ng HPG ang panibagong trabaho sa EDSA. Kung magtutuluy-tuloy ito, manunumbalik ang tiwala ng publiko.
Dito sa Metro Manila ay hindi masyadong kilala ang HPG sa kanilang pangongotong sa mga biyahero.
Pangunahing responsibilidad kasi ng HPG ay ang carnapping, highway robbery at hijacking.
Sana, totohanan at hindi ningas kugon ang trabaho ng HPG na isaayos ang trapiko sa EDSA. Ito ang maghuhudyat upang makabangon sila sa masamang imahe.
Bantayan natin ang trabaho ng HPG upang mapagtagumpayan ang problema sa trapiko.
- Latest