‘Political season na!’
PANAHON na ng national past time o aliwang pang-nasyunal. Kaniya-kaniyang diskarte at nagpapatalbugan na ang mga pulitikong namumulitika.
Kuntodo sawsaw, angkas, sakay sa publisidad. Gustong-gustong ibalandra ang kanilang mga namamaga nang mukha sa harap ng mikropono at kamera.
Ayaw na ngang tanggapin ng tao, sige pa rin sa pailalim na pangangampanya. Hindi pa man idinideklara o pormal na nagdedeklara para sa 2016 national elections, aba’y umaastang kandidato na ang mga ‘TL’ tuloy-laway sa pwesto.
Mahalagang hindi ma-tsubibo si Juan at Juana Dela Cruz sa mga pagbibilad at paglilibot ng mga maituturing eksperto sa sining ng pagsisinungaling.
Baka kasi sa dami ng mga basurang naglalabasan sa telebisyon, radyo at mga peryodiko, nalilibang na ang publiko.
Ang mga istasyon naman busog na busog, nagpi-pyesta sa buhos ng mga patalastas. Binubuntutan kung ano ang magiging mabenta sa tao.
Nangyayari tuloy, sa halip matuon ang pansin sa isyu, ang atensyon doon na natututok sa mga matatakaw sa media exposure na personalidad.
Sa mga salat sa kaalaman o sa mga wala nang panahong mag-analisa pa, delikado na mabuo sa kanilang persepsyon at pananaw ang kanilang mga naririnig, napapanood at nababasang balita.
Sana natuto na ang taumbayan. Maging matalino na sa pagpili ng mga iuupong lider at mamumuno sa bansa sa susunod na halalan.
* * *
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest