Lalaki sa Amerika, hindi napapagod sa pagtakbo
SI Dean Karnazes, isang Amerikanong long-distance runner ay may kakaibang kakayahan: ang hindi mapagod. Nagawa na niyang sumali sa 50 marathon sa loob ng 50 sunod-sunod na araw. Nakasali na rin siya sa mga marathon sa bawat kontinente sa mundo at nagawa na rin niyang tumakbo ng 350 milya sa loob ng tatlong araw na hindi natutulog at tumitigil man lang para magpahinga.
Dahil sa kanyang kakaibang kakayahan, sinuri si Dean ng mga scientist upang maipaliwanag ang kakaibang tibay ng kanyang katawan.
Ginawa nila ang pagsusuri sa pamamagitan ng pagtingin sa kanyang CPK number o ang sukat ng pinsala na natatamo ng katawan kapag napapagod matapos ang isang mabigat na gawain na katulad ng pagtakbo sa marathon. Ang isang pangkaraniwang tao ay may CPK number na umaabot sa 2,400 matapos ang isang marathon ngunit namangha sila kay Dean dahil umaabot lamang ang kanyang CPK ng 447 at ito pa ay pagkatapos hindi ng isa kundi 25 na magkakasunod na marathon.
Napag-alaman nilang hindi napapagod si Dean dahil hindi napipinsala ang kanyang mga kalamnan sa tuwing siya’y tumatakbo. Nalaman din nila mula sa kanilang pagsusuri na mas maraming dugo ang dumadaloy sa katawan ni Dean kumpara sa isang pangkaraniwang tao. Nakakatulong ito sa kakayahan ni Dean na hindi mapagod dahil mas mabilis na nakakaikot ang oxygen sa kanyang katawan. Ayon sa mga scientist, kaya ni Dean tumakbo nang habambuhay sa bilis ng isang milya kada minuto kung gugustuhin niya.
Bukod sa kanyang kakaibang kakayahan sa pagtakbo, naging kilala na rin si Dean ng publiko dahil sa pagiging book writer. Tatlong libro na ang kanyang naisulat.
- Latest