First aid tips sa lahat
ANO ba ang magandang laman ng First Aid Kit natin sa bahay? Siyempre dapat may alcohol, gasa, gunting, ice bag at cotton balls. May mga gamot din na laging ginagamit tulad ng (1) paracetamol para sa lagnat, (2) mefenamic acid para sa mga kirot sa katawan, (3) carbocisteine para sa ubo, (4) amoxicillin para sa mga impeksyon sa katawan, (5) loratadine para sa allergy at (6) burn ointment para sa paso.
May payo rin ako tungkol sa mga pangkaraniwang sakit at sakuna.
1. Pagtatae
Bigyan ng Oresol ang bata. Kung wala nito ay magtimpla ng 1 basong tubig, 2 kutsaritang asukal at one-fourth kutsaritang asin. Painumin ito sa bata. Puwede rin gamitin ang “am,” yung tubig ng sinaing at lagyan ng konting asin. Makakatulong ito para mapalitan ang nawalang tubig sa nagtataeng bata. Napakahalaga po ito. Kapag ayaw nang uminom o kumain ang bata, dalhin agad sa ospital. Tandaan, maghugas lagi ng kamay pagkatapos gumamit ng banyo.
2. Napaso
Ilubog agad sa ice or cold water ang napasong parte. Kung walang yelo, puwedeng itapat sa aircon o idikit sa malamig na bote. Huwag lagyan ng kamatis o toothpaste ang napaso. Ma-ling akala po ito. Lagyan na lang ng burn ointment na mabibili sa botika. Pagkatapos, takpan ng malinis na gasa ang sugat. Kapag nagka-blister ang sugat, huwag tusukin ito at baka ma-impeksiyon. Hayaang kusa na lumiit at pumutok ang paso.
3. Pumasok na insekto o bagay sa tenga o ilong.
Dalhin ang bata sa ospital. Huwag piliting ipasinga ang bagay at baka lalong lumalim ito. Huwag din gamitan ng cotton buds, dahil mas papasok sa loob ng tainga ang bagay. Kung hindi maingat, puwede pang mabutas ng cotton buds ang ating ear drum. Huwag mag-experimento. Kumunsulta sa doktor.
4. Nakalulon ng bagay
Kung maliit na bagay ang nalunok, tulad ng holen, butones, barya, ay puwedeng obserbahan lang ang bata. Kapag sumakit ang tiyan ay dalhin sa ospital. Ngunit kung matulis ang nalunok na bagay tulad ng pardible, ay dalhin agad sa ospital para masuri ng doktor.
5. Napuwing ang mata
Hugasan ang mata sa running water para matanggal ang puwing. Puwede gumamit ng basang cottonbuds para maalis ang puwing. Puwede rin obserbahan muna ang puwing dahil may sariling paraan ang ating mata na magluha at mailabas ang puwing. Kapag ayaw mawala ang puwing, kumonsulta sa isang Emergency Room o espesyalista sa mata. Maging maingat at maagap sa ating kalusugan.
- Latest