Daddy
NAG-AAPLAY sa Canada ang buong pamilya ni Cathy. Nabalitaan ito ng kanyang bestfriend na si Lally.
“Friend, kapag naaprubahan ang inyong application, paano ang Daddy mo? Sino ang mag-aalaga sa kanya?” tanong ni Lally kay Cathy.
Si Cathy ay solong anak. Simula nang maging biyudo ang 78 years old niyang ama, unti-unti na itong dinapuan ng “dementia”. Iyon ang concern ni Lally.
Nagkibit-balikat si Cathy. Nag-isip muna saka nagsalita. “Bahala na. Ikukuha ko siya ng caregiver. Kung lagi kong iisipin ang kalagayan ni Daddy, paano naman ang pangarap naming mag-asawa ? Kahit ako o caregiver ang mag-alaga sa kanya – hindi na siya gagaling. Ganyan na siya habang buhay. Samantalang kaming mag-anak, marami pang magagawa sa buhay para umasenso at matupad ang mga pangarap.”
“Friend hindi naman sa nakikialam ako. May katwiran ka na kailangan mong bigyan ng priority ang kapakanan ng iyong pamilya. Pero hindi naman iyon dahilan para pabayaan mo ang iyong Daddy. Gaano ka kasiguradong aalagaan siya nang maayos ng caregiver?Iba ang alaga ng kapamilya. Naalaala ko ang sabi ng aking tiyahing madre. Nababawasan daw ang kasalanan ng isang tao at kaagad nagkakaroon ng kapatawaran sa Diyos kung magsasakripisyo siya para sa kapakanan ng mga magulang.”
“Napapagod na ako sa pag-aalaga kay Daddy, sa totoo lang.”
Minsan ay may nabasa si Cathy sa newsfeed ng kanyang Facebook tungkol sa nursing home sa ibang bansa. Nakunan sa CCTV ang pagmamaltrato sa matatandang pasyente ng mga walanghiyang caregivers. Napaiyak siya habang pinapanood ang video kung saan walang awang sinasampal o tinatadyakan ang matatanda ng mga caregivers. Nilingon niya ang kanyang Daddy na tahimik na nanonood ng TV. Lumapit siya dito, at buong pagmamahal na hinalikan sa noo ang ama. “Hindi na kita iiwan Daddy. I love you!”
Tumingin sa kanya ang ama at ngumiti. Parang naiintindihan nito kung bakit siya hinalikan ng anak.
- Latest