‘Dorobo sa internet’
SA mga mahihilig gumamit ng social networking sites lalo na ang Facebook, kayo ang target ng kolum na ito.
Mag-ingat sa mga dorobong nagtatago sa mga website sa internet baka maisahan kayo at madenggoy ng mga manggagantso.
Nag-level na rin kasi ang mga utak-kriminal, sumasabay sa uso, gumagamit na rin ng mga makabagong teknolohiya para makapanloko. At ang masaklap pa, para madaling makuha ang loob ng kausap, magpapakilalang kaibigan o kamag-anak.
Hindi na bago ang estratehiyang ito subalit, marami pa rin ang mga madaling magpapaniwala kung kaya’t nabibiktima.
Ako mismo, biktima ng ganitong uring modus. Ginagamit ang pangalan ko sa Facebook para makahingi at makakolekta ng pera ang putok sa buhong nagpapanggap na BEN TULFO.
Ganito rin ang sumbong na inilapit ng dalawang magpinsan sa programa naming mag-uutol sa T3 kahapon. Nag-chat umano sa kanila ang pinsan nilang pulis na nasa Hawaii.
Gamit mismo ang Facebook account nito, nanghihiram siya ng pera para daw pampagamot sa anak niyang naiwan sa Pilipinas.
Sa layuning makatulong, ipinadala ng biktima ang halagang P15,000 sa pamamagitan ng money transfer.
Huli na nang makumpirma nilang wala naman pala sa Pilipinas ang pamangkin dahil sinama ito ng pinsang pulis sa ibang bansa.
Hindi tuloy matukoy at malaman ng magpinsan kung biktima rin ba ang kaniyang pinsan at pamangkin sa modus. Kung saan ginamit lang ang kanilang pangalan para makahingi sa kanila ng pera ang talpulanong nasa likod nito.
All Points Bulletin ng BITAG sa publiko partikular sa mga netizen, huwag agad magpapaniwala sa mga nakikilala at nagpapakilala sa inyo sa internet.
Nagkalat ang mga talpulanong nagpapanggap dito. Nuknukan ng sinungaling na magku-kuwento ng kung ano-ano para makuha ang loob mo.
Pero tandaan, hindi lang Facebook user ang pinupuntirya nila kundi maging ang iba pang social networking sites na alam nilang uso at “in” ngayon.
Laging maging paladuda sa ganitong uring mga transaksyon. Nasa amin ang babala, nasa inyo ang pag-iingat.
Mag-ingat, mag-ingat!
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest