1.4 Milyong balloons na sabay-sabay pinalipad, pininsala ang Cleveland
NOONG 1986, tinangka ng siyudad ng Cleveland na makuha ang world record para sa pinakamaraming balloons na sabay-sabay pinalipad. Ang dating record na nais nilang malampasan ay hawak ng Disneyland, kung saan 1.3 milyong balloons ang sabay-sabay pinakawalan sa ere.
Kaya naman naghanda sila ng anim na buwan upang makapag-ipon nang maraming balloons na paliliparin din nila ng sabay-sabay. Upang ipunin ang milyun-milyong balloons ay umokupa ang mga nag-oorganisa ng isang malawak na lote na may dambuhalang lambat na pansamantalang sasalo sa balloons. Ang balloons ay isa-isang nilagyan ng helium ng libong nag-volunteer na taga-Cleveland.
Plano sana na paabutin sa dalawang milyon ang balloons na paliliparin ngunit pinagpasyahan ng mga nag-oorganisa na paliliparin na nila ang balloons nang umabot ito sa 1.4 milyon dahil inaasahan nilang magiging masama ang panahon sa mga susunod na araw.
Nang pinakawalan na nila ang balloons mula sa lambat na pumipigil ay namangha ang lahat sapagkat animo’y isang higanteng ulap na may iba’t ibang kulay.
Naging matagumpay sana ang proyekto dahil nakuha ng lungsod ang inaasam na world record kung hindi lamang nagdulot ang balloons ng sari-saring problema.
Dahil sa dami ng balloons, naging hadlang ang mga ito sa paglipad ng mga eroplano mula sa kalapit na airport. Kinailangang isara ang runway sa dami ng balloons na nag-‘landing’ sa tarmac. Nahirapan din ang coast guard na sagipin ang ilang mangingisda sa karagatan dahil naging malaking sagabal sa kanilang helicopter ang balloons nakalutang pa sa ere.
Sa huli, inulan ng demanda ang pamahalaan ng Cleveland dahil sa dami ng perwisyo na idinulot ng balloons. Kaya hindi na naulit kahit saan man sa mundo ang sabay-sabay na pagpapalipad ng milyong balloons.
- Latest