Rugby boys sa Maynila, sagipin
Matagal nang ipinapanawagan sa pamahalaang lungsod ng Maynila at maging sa pulisya ang mga rugby boys na nakakalat at naglulungga sa likod ng post office sa lungsod.
Grabe na talaga ang mga ito na parami nang parami ang bilang. Maging ang mga motorista na dumadaan sa lugar ay may halong takot dahil sa nakikitang ganitong mga tanawin.
Bulong nila, huwag sanang hihinto o magmemenor ang jeep, dahil siguradong kapag ganito baka umatake ang mga paslit na ito na bangag na sa kasisinghot ng rugby.
Madalas pang sumasabit sa mga pampasaherong jeep ang mga ito na kinatatakutan ng mga pasahero.
Nakapanlulumong tingnan ang mga kabataan na ang pinakabata marahil ay nasa 5 o 6 taong gulang na may hawak na plastic at sa loob nito ay sinisinghot ang rugby.
Hindi malaman kung ang ilang matatanda na nasa tabi lamang ng mga ito eh mga magulang o kaanak ng mga mismong bata, dahil harapan sila sa pagsinghot sa kemikal.
Matagal na rin nating binabanggit sa kolum na ito, pero mistulang bingi yata ang mga kinauukulan sa Maynila sa problema ng mga palaboy na paslit at rugby boys na ito.
Hindi nga ba’t maging sa mga lugar na pinagpapasÂyalan ng maraming turista, mga paslit din ang siyang dumadale o tumitira.
Ang kanilang nakukuÂlimbat ang siya ngayon nilang ipambibili ng rugby.
Sa itsura ng mga paslit, kailangan na ng mga ito ang pagsagip ng pamahalaan partikular ng DSWD.
Hindi ba maaaring sagipin agad ang mga kabataang ito para maiiwas sa bisyo?
Ano ba ang programa ng pamahalaang lungsod at ng nasyunal sa mga palaboy na paslit?
Dapat itong maagapan dahil kung hindi baka huli na ang lahat at ang mga ito ang maging matinding problema sa kalaunan.
- Latest