^

Punto Mo

‘Taling mga puso’

- Tony Calvento - Pang-masa

PAG-IBIG na inaalay para sa mahal sa buhay… hindi na iniisip ang kanilang sarili. Ganito ang binibigay na pagmamahal ng mga mister o misis na lumalapit sa “PUSONG PINOY” para sa asawa nilang may malubhang karamdaman.

Sa tagal ng pag-ere ng programa sa radyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), ang “PUSONG PINOY”. Mapapakinggan tuwing Sabado mula 7:00-8:00 ng umaga sa DWIZ 882 KHZ, Am band. Hosted by Atty. Jose Ferdinand Rojas II o Atty. Joy kasama si Monique Cristobal. Maraming kwento na ang aming narinig. Iba’t ibang mukha na rin ang aming nakita. Mga mukhang bakas ang hirap ng kanilang pasanin. Isa na sa kanila ang mga mister na humihingi ng tulong para sa kanilang asawang malubha ang sakit.

Isa na dito ang mister na si Michael Casio ng Sta. Rosa, Laguna. Inilalapit ni Michael ang asawang si Nancy, 41 taong gulang. May Chronic Kidney Disease. Tatlong taon ng nagda- ‘dialysis’. Disyembre 2010,  Pasko... nang makunan si Nancy. Namalagi siya sa ospital hanggang bagong taon. Ika-11 ng Enero 2011, nagpabalik-balik ang lagnat ni Nancy. Nalaman nilang nagkaroon ito ng impeksyon sa dugo at kailangan siyang salinan. “Sa dami ng ininom na gamot at antibiotics ng asawa ko. Hindi agad nalamang sa kidney ang tama niya,” pahayag ni Michael.

Dati ng ‘Diabetic’ si Nancy. Mula taong 2004 umiinom na siya ng maintenance medicines para sa kanyang Diabetes. Ang sakit niyang ito rin marahil ang naging sanhi ng pagbigay ng kanyang kidneys (bato)---unti-unti itong lumiit. Maging ang hirap niya sa pagbubuntis. Tatlo na sana ang anak ngayon ng mag-asawang Casio subalit nakunang muli si Nancy taong 2012. “Muntik na rin maputulan ng paa ang misis ko. Naimpeksyon ang ‘ingrown’ niya sa kuko… nagkasugat at ‘di na gumaling. Buti na lang naagapan ng doktor bago pa tuluyang mabulok. Nung nakaraang taon muntik naman siyang mabulag,” kwento ni Michael.

Kasalukuyang sumasalalim sa dialysis si Nancy tatlong beses sa isang linggo na umaabot sa halagang Php7,500. Kapag hindi siya nakakapag-dialysis namamanas ang buong katawan ni Nancy dahil sa dami ng tubig sa kanyang katawan. “Lagi siyang hapo. Nanghihina…hinihingal minsan ‘di na siya nakakahinga kaya diretso na kami sa ospital para lagyan siya ng oxygen,” pagsasalarawan ng mister.

Mula ng magkaroon ng sakit si Nancy, tumigil na sa pagpapasada ng ‘jeep’ si Michael. Ang “PUSONG PINOY” kaisa ang PCSO ang nilalapitan ni Michael.

Iba naman ang naging problema ni Ireneo Pagtalunan ng Guiguinto, Bulacan, may dalawang anak. Hinihingi niya ng tulong ang asawang si Aundrey, 55 taong gulang. Buwan ng Hunyo taong kasalukuyan, napansin nila ang paninilaw ng balat ni Aundrey. Dinala nila ito sa ospital. Dito nila nalamang meron nang mga bato sa apdo ang misis. “Parang buhangin…. Sa loob ng apdo ganun ang sabi ng doktor ,” wika ni Ireneo. ‘Emergency Situation’ ang nangyari. Ilang araw lang naoperahan na si Aundrey. “Nung buksan ang tiyan ng asawa ko nalamang may butas ang bituka niya. Kinausap agad ako ng doktor sa sitwasyon ni Aundrey,” sabi ni Michael.

Ayon kay Ireneo, noon pa man  nakakaramdam na ng paghilab si Aundrey ng kanyang tiyan. Kapag iniinuman niya ito ng ‘pain reliever’ nawawala ito agad kaya’t inakala niyang simpleng kabag lang. Sinabay na operahan ang nakitang butas sa bituka at pagtanggal ng apdo ni Aundrey. Pinutol at pinagdugtong ang bitukang may butas. Ilang oras ang tinagal ng operasyon at saka nilipat sa recovery room, sa ward ang misis. Umayos ang lagay ni Aundrey hanggang limang araw makalipas bumaba na lang bigla ang Blood Pressure (BP) nito. “Binalik sa Intensive Care Unit (ICU) ang asawa ko. Dun na siya minonitor,” sabi ni Ireneo.

Ilang araw lumipas nalaman na lang nilang nalason na ang dugo ng asawa. Binawian rin siya ng buhay. “Mahirap tanggaping wala patay na ang misis ko pero hindi na talaga niya kinaya,” wika ni Ireneo. Ang biglaang pangyayaring ito ang naging dahilan ng paglapit ni Ireno sa “PUSONG PINOY”.  Kasaluku­yan pang may utang na halagang Php72,000 si Ireneo sa ospital. Kahilingan niya matulungan siya ng programa ng PCSO sa pagbayad ng kanyang ‘hospital bill’. Ilan lang sila Ireneo sa mga natutulungan ang PCSO. Patuloy ang pagtulong ng “PUSONG PINOY” sa tulad nilang may kapamilyang may karamdaman na walang kakayahang magpa­gamot. “Alam namin ang bigat ng inyong pinagdaraan. Walang sawa ang “PUSONG PINOY” sa pagtulong sa inyo,” pahayag ni Atty. Joy.

MAPAPAKINGGAN ang buong istorya ng mga pasyenteng lumalapit sa amin tulad nila Michael at Ireneo sa programang ‘PUSONG PINOY” tuwing SABADO mula 7:00-8:00AM sa DWIZ882 KHZ. SA mga may problemang medikal magpunta lamang sa 5th floor CityState Center Bldg. Shaw Blvd. Pasig City. Magdala lang ng kopya ng inyong pinaka­bagong ‘medical abstract’. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayo magtext sa 09213263166 (Chen), 09213784392 (Carla), 09198972854(Monique). O tumawag sa 6387285/ 7104038.

 

AUNDREY

ILANG

IRENEO

MICHAEL

NANCY

NIYA

PASIG CITY

SHAW BLVD

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with