‘Care(less) giver (?)’
ANG pag-aalaga sa matanda lalo na sa may sakit pa ay hindi lamang basta trabaho ito ay isang ‘labor of love’ kaya ito’y tinaguriang ‘caregiver’.
Nagtungo sa aming tanggapan si John Paul Agcaoili, 18 taong gulang, taga San Mateo Rizal. Inilalapit niya ang problema ng kanyang ina na si Jenny Carmen Agcaoili, 43 taong gulang. “Nag day-off lang ang mama ko nawalan kaagad ng trabaho. Hindi pa makakain ng maayos dahil kinakandado ang lalagyan ng mga pagkain,†wika ni John Paul. Pag-aalaga ng matanda, pagluluto sa ibang bahay at pagbibigay ng serbisyo sa ibang pamilya. Ganito ang naging trabaho ni Jenny sa loob ng tatlong taon. Ang ahensiyang ‘Marsifor Management Services’ ang naging daan para makapagtrabaho siya kay Vivien Cruz bilang ‘old sitter’ noong ika-tatlo ng Oktubre 2012.
“Ang asawa niyang si Philip ang nakausap ko sa agency. Mabait siya, nung nagtatrabaho na ako sa kanila ang nanay na ni Vivien ang laging nasusunod,†pahayag ni Jenny nang magtungo siya sa aming tanggapan upang mas maikwento ang kanyang naging problema. Alas diyes pa lang ng umaga kailangan nakapagluto na ng tanghalian si Jenny para makapagsimulang maglinis. Mag-isa niyang inaalagaan ang 78 taong gulang na matanda. “Ako lang talaga ang nagbubuhat. Na-paralyze na kasi ang kalahating katawan. Mabigat siya kaya nagkakapasa-pasa ang katawan ko,†kwento ni Jenny. Sa tuwing papainumin niya ito ng gamot tinatabig nito ang kanyang kamay, bagay na nakadagdag pa sa kanyang alalahanin. “Dapat kasi nasa oras talaga ang pag-inom niya kaya nangungulit akong inumin na niya,†wika ni Jenny.
Apat na libong piso ang kanyang sahod sa isang buwan. Stay-in. Libre ang pagkain ngunit bumibili pa siya sa labas dahil naka pad-lock ang kabinet na pinaglalagyan ng groceries. “Dala-dala nila ang susi tuwing aalis. Hindi naman ako nagrereklamo dahil kailangan ko ng hanap-buhay. Tuwing sahod ko laging kulang ng isang libo pahirapan pa sa paningil. Nagkaroon ulit kami ng problema nang mag day-off ako,†salaysay ni Jenny. Ayon kay Jenny hindi umano pumapayag ang kanyang employer na mag-overnight siya sa kanilang bahay dahil walang magbabantay sa kanyang alaga kapag siya’y wala. Disyembre 1, 2012…nag day-off si Jenny. Nasa biyahe palang siya papuntang San Mateo mula sa Cavite nagtetext na umano ang kanyang amo. Pinauuwi na siya. “Ang layo ng bahay namin sa pinagtatrabahuan ko kaya hindi ako nakabalik. Alas-onse na ng umaga ako pinayagang umalis,†wika ni Jenny. Babalik sana ng Lunes si Jenny ngunit napag-alam niyang kumuha na ng kapalit niya sina Vivien sa agency. “Naisip ko kung paano na yung mga gamit ko dun. Marami pa akong naiwan kaya humingi ako ng tulong sa agency ko. Pati yung kulang sa sahod kong isang libo inilapit ko din sa Marsifor,†pahayag ni Jenny.
Noong Disyembre 3, 2012 para linawin ang lahat nagsadya sa tanggapan ng Marsifor si Jenny. Nagkausap sila ng dati niyang amo na si Vivien. Napagkasunduan nilang dadalhin na lang sa agency ang mga natirang gamit ni Jenny. “Hintay ako ng hintay wala namang dumadating. Kapag tumatawag ako sa agency para makibalita lagi nilang sinasabi na ite-text daw nila ako,†ayon kay Jenny. Gustong kunin ni Jenny ang lahat ng kanyang gamit kina Vivien at pati na din ang isang libong kulang sa kanyang sahod kaya siya nagsadya sa aming tanggapan.
BILANG AGARANG AKSIYON tumawag kami sa Marsifor Management Services. Nakausap namin ang kanilang ‘manager’ na si Glaica Arevalo. Pina-alala namin sa kanila ang resposibilidad na kunin ang mga gamit ni Jenny at kanyang mga gamit ay naka-atang sa kanila dahil aplikante nila ito. Sinubukan din namin silang tawagan upang alamin ang kanilang panig subalit hindi sumasagot sa aming tawag si Vivien.
“Sabi ng employer niya umalis daw si Jenny ng walang paalam. Dala-dala ang mga damit. Isang pares lang ng damit ang naiwan niya,†sabi ni Glaica.
Nag-advance daw itong si Jenny kay Vivien kaya wala na siyang perang naiwan doon. “Sinabi ko na din sa employer niya na makipag-ugnayan sa inyo. Ipapaalam daw muna niya sa asawa niya, mula nun hindi ko na siya makontak,†wika ni Glaica. Paulit-ulit naming tinatawagan ang numero ni Vivien na ibinigay sa amin ni Jenny ngunit hindi niya ito sinasagot. Maging sina Glaica ay hindi na din siya makontak.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES†sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat†ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12pm) ang kwentong ito ni Jenny.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, naiintidihan ko rin kung saan nanggagaling ang sama ng loob nitong si Vivien, isang matandang lalaki ang kanyang inaalagaan. Hindi madaling makahanap ng kapalit ng ganun-ganun na lang. Ang talagang dapat ay maghintay ka na makakuha ang iyong agency ng replacement at hindi mo basta na lamang iiwan at basta na lamang magte-text ka na hindi ka na makakabalik. Yan ang nakikita kong mali na ginawa nitong si Jenny. Ito namang Marsifor nung malaman nilang ganun ang pangyayari ginawan na sana nila ng remedyo. At inuna ang pangangailangan nitong si Vivien. Ipinaalam sa amin ng Marsifor na ginawa naman nila ito na kaya wala na ring dahilan para ipitin pa ang mga damit na naiwan nitong si Jenny at kung totoo ngang may kulang pa sa kanyang sweldo dapat ibigay na. Huwag na sanang pahabain pa ang usaping ito. Ang pinaka-importante sa istoryang ito ay ang kapakanan ng matandang lalaking inaalagaan at mabigyan siya ng tamang atensiyon at kalinga. KINALAP NI CHEN SARIGUMBA
Sa gustong dumulog sa aming tanggapan, ang aming mga numero, 09213784392 (Pauline) 09198972854 (Monique) o 09213263166 (Chen). Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.
- Latest