Pacquiao, dapat nang magretiro
PINATUNAYAN kahapon ni Juan Manuel Marquez na siya talaga ang magaling na boksingero matapos patulugin si Manny Pacquiao. Sa ikaapat na pagkakataon hindi na pumayag si Marquez na muling desisyunan sa score card ang laban kaya pinatulog si Pacquiao.
Pero nakakasawa na kung magkakaroon ng ikalimang laban ang dalawa. Makabubuting isara na ang kanilang kabanata. Panahon na rin para pag-isipan ni Pacquiao na magretiro. Sa dami ng kinita ay hindi na siya maghihirap. Wala nang dapat pang patunayan si Pacquiao dahil naabot na niya ang kasikatan.
Dapat noon pa siya nagretiro na may hawak na walong boxing title, ngayon, namantsahan ang kanyang record. Kung sabagay, aabot naman daw sa P1-bilyon ang kikitain ni Pacquiao sa laban. Malaking konsolasyon sa tinamo niyang pagkatalo.
Maraming nalungkot sa pagkatalo ni Pacquiao. Nama-yagpag siya nang matagal at natanyag sa buong mundo. Ang masaklap, kahiya-hiya ang kanyang pagkatalo dahil humalik siya sa lona nang tamaan ng suntok ni Marquez. Pero tinanggap naman ni Pacquiao ang pagkatalo. Sabi niya, talagang ganyan ang boksing na may nananalo at may natatalo.
Ang makabubuting gawin ni Pacquiao ay magretiro na at tutukan ang pagtulong sa mga kabataang boksingero na may potensiyal na maging kampeon. Maraming Pilipino ang mahusay sa boksing pero hindi makaarangkada dahil walang sumusuporta. Maging promoter si Pacquiao ng mga kabataang boksingero na magpapatuloy sa kanyang mga nasimulan. Maraming Pinoy boxers ang maaaring humalili sa kanya na nangangailangan lang ng sapat na pagkalinga at suporta.
- Latest