Pagbasura ng Timor Leste sa extradition ni Teves, iaapela ng gobyerno
MANILA, Philippines — Nakatakdang maghain ng apela ang Department of Justice (DOJ) sa Court of Appeals ng Timor Leste kaugnay sa ibinasurang kahilingan para sa extradition ni dating congressman Arnolfo Teves Jr.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, ipinapaubaya na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa DOJ kung ano ang nararapat na gawin para mapauwi sa Pilipinas si Teves.
Ikinagulat aniya ng gobyerno partikular ng DOJ ang naging sagot ng korte sa Timor Leste dahil ginawa ng gobyerno ang lahat at naibigay ang mga ebidensya at records para sa hinihiling na extradition.
Sinabi ni Castro na nagtataka ang gobyerno dahil dalawang beses na naibigay ang hiling na extradition at nang umapela ang kampo ni Teves ay nabaligtad ang sitwasyon.
Sa pamamagitan aniya ng isasampang apela, ipapakita ng gobyerno kung bakit dapat maibigay ang extradition kay Teves.
Aminado si Castro na malaki ang epekto sa mga biktima ni Teves ang pagtanggi sa extraditon ng Timor Leste kaya gagawin ng gobyerno ang lahat ng paraan upang mapabalik sa bansa si Teves at mabigyan ng hustisya ang mga biktima nito.
Si Teves ay nahaharap sa kasong multiple counts ng murder sa korte sa Pilipinas kaugnay sa pagkamatay ni Negros Oriental Governor Roel Degamo noong March 2023.
- Latest