P29/kilo ng bigas sinimulan nang ibenta sa Kadiwa stores
MANILA, Philippines — Nagsimula na kahapon na magbenta ang gobyerno ng P29 kada kilo ng bigas sa mga Kadiwa stores sa ilang tanggapan ng National Irrigation Administration (NIA), kaugnay ng target ng gobyerno na magbenta ng abot kayang halaga ng bigas sa mga Pilipino, ayon kay NIA Administrator Eduardo Guillen.
Samantalang nakatakda namang ilunsad sa susunod na linggo ang programa sa P29/kilo ng bigas sa mga Kadiwa Centers para mas marami pang mga konsumer mula sa nabanggit na sektor ang makabili.
Una rito, ipinakita nina Guillen at Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang sample bag ng P29/kilo ng bigas sa turnover ng sari-saring mga kagamitan ng NIA na ginanap sa Mexico, Pampanga noong Miyerkules.
Dito’y sinabi ng mga opisyal na limitado lamang sa 10 kilo ng bigas kada konsumer ang pahihintulutan upang mas marami pa ang mapagsilbihan ng nasabing P29/kilo ng bigas program.
Nangako naman si Romualdez na susuportahan ang programa ng administrasyon para pataasin pa ang produksiyon ng palay at mapababa ang presyo ng mga pagkain.
Aminado naman ang opisyal na ang mataas na presyo ng bigas ay isang matinding hamon sa gobyerno lalo na sa mga surveys ay lumilitaw na mataas pa rin ang inflation sa bansa.
- Latest