Windmill na pinakamalaki sa Pinas, itatayo
MANILA, Philippines — Sisimulan nang itayo ang pinakamalaking wind mill sa bansa.
Ito ay matapos magsagawa ng ground breaking ceremony ang Alternergy at si Quezon Governor Helen Tan para sa Alabat Wind Project.
Ang groundbreaking ceremony ay ginanap sa Alabat Island kung saan binubuo ng tatlong bayan ng Alabat, Quezon, at Perez (ALQUEREZ).
Sinabi ni Gerry Magbanua, presidente ng Alternegy Holding Corporation na tig-4 na windmill ang itatayo sa bayan ng Alabat at apat din sa Quezon, na kayang mag-generate ng 64 megawatts na maaaring makinabang pati ang ibang lugar sa bansa.
Inaasahan naman na simula sa Disyembre 2025 ay mas stable at murang kuryente na ang aasahan ng mga taga-ALQUEREZ.
Sinabi naman ni Vicente Perez Jr. chairman ng Alternergy Holdings Corporation, ito ang pinakamataas na windmill sa bansa at kauna- unahang windmill na nakaharap sa Pacific Ocean. Tiniyak naman ni Gov. Tan ang suporta sa itatayong windmill lalo at malaki ang magiging tulong nito sa mga residente kung saan maaaring makapag-generate ng trabaho dahil mangangailangan ng 400 manggagawa ang naturang proyekto.
Bukod sa trabaho, tiyak din na bababa aniya ang presyo ng kuryente rito at magiging tourist destination ang isla ng Alabat dahil sa itatayong windmills.
- Latest