Senado, Kamara ipina-subpoena na si Pastor Quiboloy
MANILA, Philippines — Para maobligang humarap sa pagdinig tungkol sa mga reklamo ng pang-aabuso ng ilang mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) kaya ipina-subpoena na ng Senado si Pastor Apollo Quiboloy.
Nilagdaan kahapon ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang subpoena ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.
Matatandaang sa dalawang nakaraang pagdinig ng komite ay hindi dumalo si Quiboloy at tanging abogado lamang nito ang pinaharap sa Senado.
Ayon kay Senator Risa Hontiveros, kailangang si Quiboloy mismo ang humarap sa imbestigasyon ng komite para sagutin nito ang mga personal na alegasyon tulad ng human-trafficking, sexual exploitation at iba pang pang-aabuso mula sa mga kamay ng pastor.
Nag-isyu na rin kahapon ng subpoena ang panel ng Kamara laban kay Quiboloy para dumalo sa pagdinig kaugnay ng paglabag sa prangkisa ng Sonshine Media Network International (SMNI).
Ito’y kaugnay ng patuloy na pang-iisnab ni Quiboloy na dumalo sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises kaugnay ng isyu sa paglabag sa prangkisa ng SMNI.
Si Quiboloy, nahaharap din sa kasong sex trafficking sa Estados Unidos ang itinuturong honorary Chairman ng SMNI na nago-operate umano sa ilalim ng Swara Sug Media Corporation.
Si Quiboloy ay pinadadalo sa itinakdang pagdinig ng komite sa darating na Marso 12, 2024 dakong ala-1 ng hapon sa Conferences 7 & 8 sa Ramon Mitra Building ng Batasang Pambansa.
Nangangahulugan ang contempt na makakalaboso sa detention facility ng Kamara si Quiboloy kapag nabigo itong dumalo sa pagdinig na depende pa kung ilang araw ang itatagal base sa magiging mosyon na aaprubahan ng mga mambabatas na miyembro ng panel.
- Latest