Guadiz balik na uli sa LTFRB
MANILA, Philippines — Balik na uli sa kanyang puwesto bilang hepe ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) si Teofilo Guadiz III.
Ito ang nakasaad sa Special Order No. 2023-380, na nilagdaan ni DOTr Secretary Jaime Bautista at may petsang Nobyembre 3.
Alinsunod sa naturang special order, na may titulong ‘Reinstatement of Assistant Secretary Teofilo Guadiz as Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson, magiging epektibo ang pagbabalik sa puwesto ni Guadiz, ngayong Lunes, Nobyembre 6.
Sa nasabi rin kautusan, binabawi ng DOTr ang designasyon ni LTFRB Board Member Atty. Mercy Paras Leynes, bilang OIC ng LTFRB.
Matatandaang ipinag-utos ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang suspensiyon ni Guadiz noong Oktubre matapos lumantad sa publiko ang kanyang dating executive assistant na si Jeff Tumbado at akusahan siya, gayundin si Bautista, na sangkot sa korapsiyon na mariing pinabulaanan nina Guadiz at Bautista.
Pero, kaagad rin namang binawi ni Tumbado ang kanyang mga akusasyon laban sa mga naturang opisyal at humingi ng paumanhin sa mga ito.
- Latest