POGO hub ni-raid: 58 banyaga, 1 Pinoy naaresto
MANILA, Philippines — Nasa 55 Chinese, 3 Malaysian at 1 Pinoy ang naaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Davao (NBI- Region X1) nang salakayin ang bodega na nasa loob ng 2-ektaryang compound kung saan itinatago ang diumano’y iligal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Panabo City, Davao del Norte, kamakalawa.
Gamit ang search warrant nang pasukin ang nasabing warehouse ng mga operatiba ng NBI kaugnay sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012, partikular sa umano’y operasyon ng syndicated estafa at online illegal gambling, kung saan nasamsam ang mahigit 50 computers na naka-set-up sa dalawang silid, sa loob ng warehouse.
Sinabi ni NBI-Region X1 Spokeperson Ely Leano na bubusisiin ang mga ebidensyang nasamsam upang makumpirma ang iligal na aktibidad sa nasabing warehouse.
Tulad ng iba pang POGO hub na sinalakay ng mga otoridad, may sariling kitchen at dining room sa loob ng warehouse ang POGO workers, kung saan may mga tagaluto at nag-aasikaso sa pagkain nila.
Nakita rin ang isa pang silid na hindi pa kumpletong natatapos para sa pagpapalawak ng POGO hub at mga materyales para sa konstruksyon.
Samantala, ibinunyag din ng NBI na may ilang opisyal ng gobyerno ang pagpapaliwanagin makaraang matukoy na sangkot sa operasyon ng POGO sa lugar.
- Latest