NHA pinapurihan ang unang taon na panunungkulan ni Pangulong Marcos
MANILA, Philippines — Dahil sa pagbibigay ng prayoridad sa programang pabahay sa mga maralitang Pilipino ay pinapurihan ng pamunuan ng National Housing Authority (NHA) ang unang taong panunungkulan sa bansa ni Pangulong Ferdinang “Bongbong” Marcos Jr.
Sinabi ni NHA General Manager Joeben Tai na dahil sa malasakit sa pamumuno ni Pangulong Marcos ay nakapagkaloob ang NHA ng kabuuang 30,000 pabahay sa buong bansa.
Anya, ang mga benepisyaryo nito ay mga informal settler families, nasalanta ng kalamidad, mga rebeldeng nagbalik-loob sa gobyerno, at mga katutubo.
Dito personal na pinangunahan ni Pangulong Marcos, Jr., ang paggawad ng titulo sa naturang mga benepisyaryo ng pabahay sa ginanap na sabay-sabay na ceremonial turnover kasama ang mga opisyal mula sa Key Shelter Agencies, mga kalihim at nangangasiwa sa lokal na pamahalaan.
Sinabi ni Tai na ilan sa mga direktiba ni Pangulong Marcos, Jr. sa NHA ay ang pagpapabilis sa pagkumpleto ng Yolanda Permanent Housing Project (YPHP) at agarang pagpapatayo ng mga resettlement sites para sa mga pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa kalamidad; tugunan ang lumalaking pangangailangan sa pabahay; at pagpapadali ng paglipat ng mga pamilyang naninirahan sa mapanganib na lugar.
Tiniyak din ni Tai na higit pang palalawigin ang serbisyo-publiko para sa mas magandang kinabukasan ng mga Pilipinong nangangailangan ng pabahay sa bansa.
- Latest