Dolomite Beach sa Manila Baywalk, dinagsa
MANILA, Philippines — Binuksan na kahapon ang Manila Baywalk Dolomite Beach kasabay sa unang araw nang pagpapatupad ng Alert Level 3 sa Metro Manila.
Ayon kay ni Environment Undersecretary Jonas Leones, ang nangyaring pagbubukas kahapon ay ‘soft opening’ lamang at iba aniya sa dry run na ginawa noon.
Layunin nang pagbubukas ay upang mabigyan ng kasiyahan ang mga mamamayan na matagal na nalungkot dahil namalagi sa loob ng kanilang bahay sa mahabang panahon kaya maaaring maging alternatibong pasyalan ang Dolomite Beach.
Bukas ang beach simula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-11:00 ng tanghali at alas-3:00 ng hapon hanggang alas-6:00 ng gabi.
Hindi na kailangan pang magpakita ng vaccination card at hindi na rin limitado sa 5 minuto ang pananatili sa beach.
Mahigpit naman ang pagpapatupad ng mga health protocols at ang paalala sa pamamagitan ng mga staff na may hawak na signages na ‘observe physical distancing’.
“We will make sure that we strictly observe ‘yung health protocol natin. Face mask importante, pero face shield optional,” aniya pa.
Kahit aniya, may nakikita pang mga basura, dala lamang umano ito ng masamang panahon tulad ng bagyo.
Mas malaki umano ang pagbabago ng water quality sa nasabing beach kumpara noon at posible na ring payagang makapaligo roon sa mga susunod na buwan sakaling mag-improve pa ang kalidad ng tubig.
Bubuksan din ang ibang bahagi ng beach sa mga susunod na linggo.
- Latest