2 suspek huli sa 1-kilong marijuana, baril at granada!
Matapos mangholdap sa cafeteria
MANILA, Philippines — Dalawang armadong lalaki ang arestado ng mga tauhan ng Parañaque City Police nang umano’y mangholdap, mang-agaw pa ng motorsiklo sa kanilang pagtakas at nakuhanan ng 1-kilong marijuana, baril at granada sa nasabing lungsod, Huwebes ng madaling araw.
Kinilala ni Parañaque City Police Station commander, P/Colonel Melvin Montante ang mga suspek na sina alyas “Mark”, 31-anyos, ng Barangay Victoria Reyes, Dasmariñas City, Cavite at alyas “Jefferson”, 39, ng Armenia St., Bitungol, Norzagaray, Bulacan.
Sa reklamo ng mga biktimang sina alyas “Danica”, 33 at alyas “Cris”, 42, kapwa ng Malate, Maynila, pauwi na sila matapos kumain sa isang cafeteria at habang sakay ng motorsiklo alas-4:40 ng umaga ng Nobyembre 7 ay hinarang sila ng riding-in tandem sa Seaside Drive, Brgy. Tambo, Parañaque City. Tinutukan sila ng baril at nagdeklara ng holdap sabay agaw ng motorsiklo. Nagkataong may dumaan na mobile patrol car kaya agad silang nasaklolohan.
Habang sakay sila ng mobile patrol na binabagtas ang direksyon ng mga suspek ay namataan ang sinasabing motorsiklo, na minamaneho ng isa sa dalawang suspek.
Nang sitahin ang mga suspek, nahulihan sila ng bloke ng marijuana na may timbang na 1-kilo na nagkakahalaga ng P120,000,00 at kinumpiska ang isang 9mm na pistol na may 16 bala at isang kalibre 38 na may 6-bala at isang hand grenade.
- Latest