Indonesian suicide bomber, 2 pa natimbog
MANILA, Philippines — Naaresto ng mga elemento ng Joint Task Force (JTF)-Sulu ang isang babaeng Indonesian suicide bomber at dalawa pang babaeng kasama sa isinagawang pagsalakay sa Brgy. San Raymundo, Jolo kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni JTF Sulu Spokesman Lt. Col. Ronaldo Mateo, ang dayuhang terorista na target sa operasyon na si Rezky Fantasya Rullie alyas “Cici”. Siya ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) ng lalawigan.
Kasama pang nadakip sina Inda Nurhaina, misis ni Ben Tatoo at Fatima Sandra Jimlani, maybahay naman ni Jahid Jam na isa ring miyembro ng ASG matapos madatnan ng raiding team sa loob ng isang bahay na nagsisilbing hideout ni Rullie sa may Sitio Kuppong, Brgy. San Raymundo sa kapitolyo ng Jolo na pinaniniwalaang pag-aari ni Abu Sayyaf Group (ASG) sub–leader Ben Quirino Yadah alyas “Ben Tatoo”.
Bandang ala-1:50 ng madaling araw, nang masakote ang tatlo na nasamsaman ng isang suicide vest na naglalaman ng pipe bombs at iba pang Improvised Explosive Device (IED) components.
“We have been pursuing foreign terrorist suicide bombers in Sulu after the twin bombing of Jolo town last August 24, 2020. Rullie was first on our list since we have received intelligence reports that she is going to conduct suicide bombing after the death of his husband, Andi Baso, an Indonesian foreign terrorist who was reportedly neutralized during an encounter last August 29, 2020,” pahayag naman ni JTF Sulu Commander Brig. Gen. William Gonzales.
Sinabi rin ni AFP Western Mindanao Command chief Lt. Gen. Corleto Vinluan Jr. na si Rullie ay pinaniniwalaang anak ng mag-asawang Indonesian terrorist na nasa likod ng kambal na pagpapasabog sa Jolo Cathedral noong Enero 27, 2019 na ikinasawi ng 20 katao at 102 ang nasugatan.
- Latest