Pagbasa ng sakdal kay Aquino at Purisima pipigilan
MANILA, Philippines — Pipigilan ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema ang nakatakdang pagbasa nang sakdal kina dating Pangulong Noynoy Aquino, dating Philippine National Police (PNP) Chief Alan Purisima at dating PNP-Special Action Force Director Getulio Napeñas.
Nakatakda ang pagbasa ng sakdal sa Pebrero 15,2018 para sa kasong usurpation of authority kaugnay ng nangyaring engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015 na nakabinbin sa Sandiganbayan 4th Division.
Batay sa 40-pahinang manifestation ay hiniling ni Solicitor General Jose Calida na magpalabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order o writ of preliminary injunction para hindi matuloy ang arraignment.
Sa oras anya, na matuloy ang pagbasa nang sakdal ay mawawalan na ng karapatan ang mamamayan na mausig sa tamang kaso sina Aquino dahil hindi na maaring maihabol ang paghahain ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide na mas akmang reklamo na dapat na naisampa sa mga akusado.
Hiniling din ng OSG na ipawalang bisa o baligtarin ng Korte Suprema ang resolusyon ng Ombudsman na nagbasura sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide laban kina Aquino.
Nais din ni Calida na atasan ng Korte Suprema ang Ombudsman ang maghain ng 44 bilang ng kasong reckless imprudence resulting in homicide laban sa mga respondent.
Naniniwala ang OSG na may probable cause para ipagharap sina Aquino, Purisima at Napeñas ng mas mabigat na kaso dahil nakitaan nila ang tatlo ng “lack of precaution” o kawalan ng pag-iingat na humantong sa pagkamatay ng 44 miyembro ng SAF.
- Latest