Steve Harvey dumating na sa Pinas
MANILA, Philippines – Dumating na kahapon sa bansa ang kontrobersiyal na comedian na host ng Miss Universe pageant na si Steve Harvey kaugnay ng grand coronation na gaganapin sa Mall of Asia (MOA) Arena sa Pasay City sa Enero 30.
Bandang alas-9:55 ng umaga nang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) si Harvey sakay ng isang pribadong eroplano na pagmamay-ari ng Gulfstream Aerospace galing sa Florida, USA.
Sinalubong si Harvey nina Department of Tourism Undersecretary Kat De Castro, Asst. Secretary Ricky Alegre at dating Ilocos Sur Governor Luis Chavit Singson na siyang nagtulak para ganapin ang Miss Universe sa Pilipinas sa pamamagitan ng kanyang LCS Group of Companies.
Hindi na humarap sa publiko si Harvey at diretsong sumakay na sa isang sasakyan na heavily tinted saka mabilis na umalis ang convoy.
Matatandaan na naging kontrobersyal si Harvey noong 2015 Miss Universe nang ianunsyo niya na si Miss Columbia ang nanalo ngunit kinalaunan ay siya rin ang bumawi at inihayag na si Miss Philippines Pia Wurtzbach ang nagwagi.
Samantala, mula alas-11 ng umaga ngayong Enero 29, magpapatupad ng “no fly zone” ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa bisinidad ng Mall of Asia Arena. Nangangahulugan ito na hindi maaaring magpalipad ng helicopter o drones sa 1 kilometrong radius at hanggang 3,000 talampakan mula sa lupa sa MOA.
- Latest