Reporter pinabulagta
MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang radio at tabloid reporter nang isang di kilalang lalaki sakay ng motorsiklo kahapon ng umaga sa Balanga City, Bataan.
Sa ulat ng Balanga City Police, kinilala ang nasawing biktima na si Nerlita Ledesma, 48, correspondent ng Abante tabloid at reporter ng DZXL na nakabase sa Bataan.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-8:05 ng umaga sa Sitio San Rafael, Tagnai, Barangay Tuyo, Balanga City habang ito’y naghihintay ng masasakyan papasok sa kanyang trabaho.
Si Ledesma ay nagtamo ng apat na tama ng cal. 45 pistol sa dibdib na siya nitong dagliang ikinasawi.
Ang suspek na nakasuot ng sunglass, bonnet, jacket ay lulan ng kulay itim at puting motorsiklo ay mabilis na tumakas matapos puntiryahin ng pamamaril ang biktima na duguang bumulagta sa insidente.
Kinondena naman ng National Press Club (NPC) ang insidente na nataon habang naghahanda na ang mga itong makipagpulong kay Department of Justice Secretary Leila de Lima upang maresolba ang mga nakabimbing kaso at matuldukan na ang media killing sa bansa kung saan si Ledesma ay ika-172 journalist na pinatay sa bansa.
Ayon sa impormasyon na nakalap ng PM ang naturang pananambang ay naganap na rin dalawang taon na ang nakalilipas.
Samantala ayon sa inisyal na imbestigasyon away sa lupa ang isa sa tinitingnang motibo sa pagpatay. Si Ledesma ay presidente rin sa homeowner’s association sa kanilang lugar at ang kaso hinggil sa lupa na kinakaharap nito ay nakatakda ng lumabas ang desisyon.
- Latest