Palawan pinuri ni Roxas sa mabilis na pagbangon
MANILA, Philippines - Pinuri ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ang mga opisyal ng pamahalaang lokal at mga residente ng Coron, Palawan na isa rin sa sinalanta ng delubyo ng bagyong Yolanda noong Nobyembre 2013 sa mabilis nitong pagbangon.
Ayon kay Roxas na maihahambing sa isang bangka na may dalawang katig ang isinasagawang rehabilitasyon ng pamahalaan sa mga lugar na nasalanta ng super bagyong Yolanda.
Ayon sa Kalihim ang mabilis na pagkilos ng pamahalaang lokal ang nagsilbing susi para makabangon ang bayan ng Coron.
Sinabi ni Roxas na kahangahanga ang taga Palawan sa pamumuno ni Governor Jose Alvarez na hindi nakipagsisihan o namulitika at sa halip ay itinuon ang konsentrasyon sa pagkakaisa at mabilis na pagkilos para sa rehabilitasyon ng buong lalawigan.
“Kung sama-sama, tulong-tulong ang lahat, sa isang direksiyon, lahat nagkakaisa sa iisang layunin ay mabilis na makababangon ang isang lugar, ang isang komunidad kung nagtutulungan ang lahat,” ani Roxas.
“Umuusbong, bumabangon na ang Palawan dahil sa inyo. Kayo ang mga boss ng buong pamahalaan ninyo---pamahalaang nasyonal at pamahalaang lokal. Nariyan kami noon at narito ngayon kaya asahan ninyong lagi kaming handa na tumulong sa inyo.”
Nilinaw pa ng kalihim na sa panahon ng kagipitan tulad ng mga bagyo, lindol at iba pang kalamidad ay laging nakahanda ang pamahalaang nasyonal na umayuda sa lahat ng mamamayan.
“Hindi namin kayo pababayaan, walang iwanan, sama-sama, tulong-tulong tayo para sa pagbangon uli hindi lamang ng Coron kundi ng buong Palawan at lahat ng lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda. Narito kami kasama ninyo, kabalikat ninyo tulong-tulong tayo sa pagbangon,” dagdag ni Roxas.
- Latest