Babae nabiktima ng chemical spray sa taxi, tumalon
MANILA, Philippines - Matapos sumama ang pakiramdam ng isang 27-anyos na babae sa naamoy na kemikal habang sakay ng taxi ay napilitan itong tumalon naganap kamakalawa ng gabi.
Sa pahayag ng babaeng sales associate ng isang cosmetic company, sumakay siya ng taxi sa Glorietta patungo sanang Pasig dakong alas-8:40 ng gabi nitong Biyernes.
Una nang ipinagtaka ng biktima ang buradong plate number sa may pintuan ng taxi kaya tinanong pa niya ito sa driver na sinabi na PXF-966 Angel of J taxi.
Habang paakyat ng flyover, doon na sumama umano ang kanyang pakiramdam tulad ng pagkahilo, paninikip ng dibdib, halos matuyuan ng laway at lumabo ang paningin.
Pagbaba ng flyover sa bahagi ng Buendia, sinabihan na niya ang driver na ibaba siya, subalit dinedma lang umano siya kaya napilitang siyang magsisigaw.
Tinangka nito na buksan ang kanang pinto ng taxi, subalit hindi ito mabuksan at ayaw ding buksan ng driver.
Sinubukan niya ang kaliwang pinto na kanya namang nabuksan, at kahit umaandar pa ang taxi ay tumalon ito palabas.
Hindi nabundol ang biktima ng ibang sasakyan dahil sa pagsisikip din sa trapiko hindi rin ito masyadong nasaktan.
Nagkaroon na ng komosyon nang bumaba ang taxi driver at nilapitan ang biktima at ikinatwiran na LPG lang na sumingaw ang naamoy nito.
Siningil ng taxi driver ng P200 ang biktima at dahil sa takot ay nagbayad na lang ito.
Nagsumbong na sa Makati Police Station 7 ang babaeng pasahero.
- Latest