P-Noy hindi nababahala... Pagdinig sa impeachment umpisa na
MANILA, Philippines - Tiwala si Pangulong Benigno S. Aquino na hindi magtatagumpay ang anumang impeachment complaint na isinampa laban dito.
Ito ang inihayag ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr., sa pagsisimula ng pagdinig ng impeachment complaint laban dito sa Kamara.
“Hindi po nababahala ang Pangulo doon sa mga proceedings na ‘yan dahil panatag naman po siya na wala siyang nagawang anumang impeachable offense,” wika pa ni Coloma.
Aniya, mas makakabuting hintayin na lamang ang proseso sa Kamara na siyang inatasan ng Konstitusyon na duminig sa impeachment complaint.
Meron pong sinusunod na patakaran hinggil diyan at meron pong proseso ang ating Kamara sa pagturing sa ganyang mga usapin. Mas mainam po siguro na hintayin na lang natin ang iba pang mga kaganapang maaaring maganap hinggil diyan dahil iginagalang po ng ehekutibo ‘yung pagiging hiwalay at kapantay na sangay ng pamahalaan ng ating Kongreso o batasan,” dagdag pa ni Coloma.
Ipinaalala rin ng Palasyo na huwag kalimutan ng mga mambabatas na bigyan ng prayoridad ang mga mahahalagang panukala partikular ang nakahaing 2015 budget.
“Malinaw namang nakasaad ‘yung mga prayoridad ng pamahalaan. At katulad ng iniulat natin dito sa ating programa, nakipagpulong na si Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr. sa mga lider ng Kongreso kung saan ay ipinaalam niya ‘yung mga priority legislative measures ng ating pamahalaan, unang-una na nga diyan ‘yung pambansang budget para sa 2015 at ‘yung ihahain na Bangsamoro Basic Law, at ‘yun pang ibang mga priority measures na naunang inilahad na natin sa ating palatuntunan,” dagdag pa ng PCOO chief.
- Latest