Patay na bata gumalaw sa kabaong
MANILA, Philippines - Nasindak sa takot ang mga nakikikipaglibing nang gumalaw sa loob ng kabaong ang isang 3-anyos na batang babae habang hinihintay na mabasbasan ng pari sa simbahan ng Aurora, Zamboanga del Sur kamakalawa ng umaga.
Kinumpirma ni Sr. Inspector Heidel Te-elan, hepe ng Aurora Police ang insidente bagaman tumangging tukuyin ang pangalan ng bata at mga magulang nito sa pakiusap na rin ng kanilang pamilya na residente ng Brgy. Bayabas.
Batay sa ulat, biglang dumilat ang mata ng bata sa simbahan kaya pinangko at binuhat ng kaniyang ama.
Nabatid na ang bata ay may 24 oras ng pinaglamayan matapos itong mawalan ng pulso at ideklara ng mga manggagamot sa ospital sa kanilang bayan na patay na ito bunga ng karamdaman. Hindi na ito ipina-embalsamo sanhi ng kahirapan.
Sa pagmulat muli ng mata ng bata sa halip na sa ilibing sa sementeryo ay iniuwi ito ng kaniyang mga magulang sa kanilang bahay.
Muling dinala sa pagamutan ang bata, subalit sinabi ng mga doktor na patay na ang bata na hindi pinaniwalaan ng kaniyang mga magulang na umaasa pa sa himala.
Nagpunta kahapon ng umaga ang mga kinatawan ng Municipal Health Office ng Aurora para suriin ang bata at lumabas sa pagsusuri na patay na talaga ang bata kaya pinakiusapan ang mga magulang na ilibing na ito.
- Latest