44 dayuhan tiklo sa telecom fraud
MANILA, Philippines - Nadakip ng mga elemento ng PNP- Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang 44 dayuhan na kinabibilangan ng Taiwanese at Chinese na sangkot sa telecom fraud sa isinagawang serye ng operasyon sa Iloilo City kamakalawa.
Sa ulat ni Sr. Supt. Gilbert Sosa, Director ng PNP-ACG ang nasabing sindikato ay nambibiktima ng mga kalahi nilang Taiwanese at Chinese mula sa Mainland China.
Nabatid na sinalakay ng pinagsanib na operatiba sa pamumuno ni Supt. Bernard Yang ng ACG Cyber Response Team, Iloilo City Police at Bureau of Immigration sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Rainelda Estacio-Montesa ng Manila Regional Trial Court Branch 46 ang lugar kung saan isinasagawa ang illegal na aktibidades ng sindikato sa lungsod.
Ang operasyon ay sa pakikipagkoordinasyon kay Taipei Economic and Cultural Office (TECO) Executive Assistant Jerry Wang at Jerry Chih-Yung Wang, Police Attaché to the Philippine ng TECO.
Bandang ala-1:30 ng hapon nitong Miyerkules ng unang maaresto ng mga otoridad ang 23 Taiwanese na kinabibilangan ng 21 lalaki at dalawang babae sa Block 5, Lot 1 & 2 Imperial Subdivision VI, Brgy. Guzman-Jesena, Manduriao, Iloilo City.
Nagawa namang tumakas ng iba pang suspek, subalit hinabol at nakorner ng mga operatiba sa Lot 14, Ledesco Subdivision, Cubay, Jaro ng lungsod.
Sumunod namang nasakote ang 19 Taiwanese kabilang ang 17 lalaki at dalawang babae at dalawa pang Chinese.
Sa nasabing mga raids ay naaktuhan mismo ng mga otoridad ang mga suspek na kausap ang kanilang mga binibiktima sa ibang bansa sa pamamagitan ng telepono.
Nasamsam ang sari-saring set ng telephone, network appliances, passports, laptop computers, mobile phones, accessories at iba pang mga dokumento.
Nabatid na nagpapanggap na mga police officers, huwes at prosecutors ang mga suspek na kinokontak ang kanilang mga bibiktimahin.
Napag-alaman pa na nagawang makapasok sa bansa ng nasabing mga Chinese at Taiwanese sa pamamagitan ng tourist visa na umuupa ng bahay sa mga kilalang subdibisyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
- Latest