NPA rumesbak, 2 sundalo patay, 4 sugatan
MANILA, Philippines - Posibleng simula na ng pagganti ng tropa ng New Peoples Army ang naganap na pananambang sa tropa ng militar na nagresulta ng pagkamatay ng dalawang sundalo, kabilang ang isang tinyente at apat ang sugatan, sa liblib na bahagi ng Brgy. Cogorin Ilaya, Lopez, Quezon kahapon ng umaga.
Ayon kay Brig. Gen Alex Capiña, CommanÂder ng 201st Brigade ng Philippine Army, naganap ang pananambang dakong alas-7:30 ng umaga habang lulan ng KM450 truck ang medical mission team ng 85th Infantry Battalion.
Bigla na lamang pinaulanan ng bala ng halos 20-30 rebelde ang nasabing military truck na patungo sa sa Brgy. Vegaflor, Lopez para sana sa itinakdang medical mission sa mga residente rito.
Nasapul ng pamamaril ng mga rebelde ang dalawang sundalo kung saan kabilang sa mga nasawi ay isang 1st Lieutenant habang ang isa naman ay isang Private First Class na tumanggi munang tukuyin ng opisyal ang pagkakakilanlan dahil iimpormahan pa ang pamilya ng mga ito.
Isinugod naman sa pagamutan ang mga nasugatang sundalo para malapatan ng lunas.
Kaugnay nito, kinondena ng heneral ang insidente dahil wala sa combat operation ang tropa ng mga sundalo at maghahatid ng tulong lamang ang mga ito sa mga maysakit na residente.
Idinagdag pa na istilo na ng mga rebelde ang magsagawa ng ambush at iba pang uri ng terorismo kaugnay ng gaganaping ika-45 taong anibersaryo ng NPA reÂbels sa ika-29 ng buwang kasalukuyan.
Tinitingnan din ang posibilidad na ito’y isang retaliation ng NPA matapos na arestuhin ang mag-asawang Tiamzon.
- Latest