Rep. Benaldo posibleng kasuhan ng PNP
MANILA, Philippines - Sinabi ni PNP-Firearms and Explosives Division (PNP-FED) Director P/Chief Supt. Raul Petrasanta na ang pagtatangkang pagpapatiwakal ng isang gun owner gamit ang baril nito ay isang malinaw na ground para i-revoke na ang lisensya nito.
Kaya naman ay namemeligrong kanselahin na o pawalang bisa ang lisensiya ng baril ni outgoing Cagayan del Oro Rep. Benjo Benaldo matapos ang umano’y bigo nitong pagtatangka na kitilin ang kaniyang buhay sa loob ng kaniyang tanggapan sa Batasang Pambansa kamakalawa ng gabi.
Posible ring makasuhan ito ng illegal possession of firearms matapos na lumitaw sa rekord na expired na ang Permit to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR) noon pang Marso 22, 2012 ang nasabing armas na isang Sig Sauer P239 na may serial number 125465 ay nakarehistro sa pangalang Jose Benjamin Banjo Abrio Benaldo na ang lisensya ay mapapaso pa sa 2015.
Sinabi ni Sr. Supt. Ricardo Zapanta, Head Secretariat ng PTCFOR na wala silang rekord na na nag-apply ng bagong PTCFOR si Benaldo mula ng mapaso ito noong nakalipas na taon.
Ang Kongresista, nagtamo ng tama ng bala sa dibdib ay natagpuang duguan sa south lobby ng House of Representatives at isinugod sa New Era General Hospital sa Quezon City sa pagitan ng alas-7:00 at 8:00 ng gabi nitong Huwebes.
Sa kasalukuyan, ay hinihintay na lamang ng PNP–FED ang resulta ng imbestigasyon ng Quezon City Police District sa insidente ng pagkakabaril sa solon na siyang magiging batayan kung kakanselahin ang lisensya nito na agarang ipatutupad kung guilty ito.
- Latest