Army detachment nilusob… 2 sundalo todas, 4 sugatan sa NPA attack
MANILA, Philippines - Inatake at pinagbabaril ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang isang detachment ng militar na nagsasagawa ng peace and development program na ikinamatay ng dalawang sundalo at pagkasugat ng apat na iba pa naganap kamakalawa sa Brgy. Antipolo, Albuera, Leyte.
Pansamantala munang hindi tinukoy ang pangalan ng mga nasawing sundalo dahil kailangan pang impormahan ang pamilya ng mga ito.
Kabilang naman sa mga nasugatan ay ang tatlong sundalo at ang sibilyang kinilalang si Edgar Boringa.
Batay sa ulat ni Col. Rafael Valencia, Commander ng Army’s 802nd Infantry Brigade (IB), dakong alas-7:50 ng gabi nang magpaulan ng bala ng mga rebeldeng komunista sa nasabing lugar na ikinasugat ng sibilyang si Boringa.
Sumunod namang pinaputukan ng mga rebelde ang base ng Alpha Company ng Army’s 78th Infantry Battalion (IB) na nakabase sa lugar na ikinasawi ng dalawang sundalo at sugatan naman ang tatlo pa sa mga ito na mabilis na isinugod sa military hospital sa Ormoc City para malapatan ng lunas.
Ang nasabing tropa ng mga sundalo ay siyang nangangasiwa sa seguridad ng mga miyembro ng Bayanihan Team ng Army’s 19th Infantry Battalion na nagsasagawa ng peace and development program sa Brgy. Rubas, Jaro ng lalawigang nabanggit.
Magugunita na noong Nobyembre 30, 2012 ay isang sundalo ang nasawi at dalawa pa ang nasugatan mula sa mga elemento ng Army’s 78th Infantry Battalion ng tambangan ng mga rebelde sa Brgy. San Pedro, Albuera, Leyte.
- Latest