Lyceum tinuhog ng Letran
MANILA, Philippines — Kinalsuhan ng Letran ang two-game losing skid matapos nilang pabagsakin ang Lyceum of the Philippine University, 96-86 sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament na nilaro sa Playtime FilOil EcoOil Centre sa San Juan City kahapon.
Kinapitan ng Knights ang matikas na laro nina Denzil Walker, Jimboy Estrada at Jonathan Manalili upang tulungan ang koponan na isalo sa tuktok ng team standings sa Group B kasama ang Arellano University hawak ang tig-4-2 baraha.
Nahirang na Best Player of the Game si Walker matapos magtala ng 15 points, six rebounds at tatlong steals kasama ang tatlong malulutong na dunks habang si Estrada ang top scorer ng Letran sa nirehistrong 25 markers.
“This win is really important for our team morale,” ani Walker, “We didn’t want to dwell on our previous losses but we also couldn’t ignore the fact that we lost back-to-back. It was crucial that we got the win today.”
Bagama’t nanalo ay medyo nangangamba ang Knights dahil sa natamong injury ni Jonathan Manalili sa bandang dulo ng laban kung saan ay halos kuha na nila ang panalo.
Sa unang laro, kinadena ng defending champion San Beda University ang ika-3 sunod na panalo matapos nilang lapain ang University of Perpetual Help System DALTA, 71-63.
Muling nagpakitang gilas si Jomel Puno matapos nitong irehistro ang 15 points at tatlong rebounds upang tulungan ang Red Lions na sakmalin ang ikalimang panalo sa pitong laro.
- Latest





















