Murphy bibinyagan ng ROS

MANILA, Philippines — Mabibinyagan ngayon ang bagong saltang import na si Jordan Murphy ng Barangay Ginebra kontra sa matikas na Rain or Shine sa pagpapatuloy ng PBA Season 50 Governors’ Cup sa Ninoy Aquino Stadium.
Magku-krus ang landas ng Gin Kings (2-4) tampok ang pinakabagong alas at Elasto Painters (4-2) sa alas-7:30 ng gabi para sa main game ng double-header simula sa bakbakang Magnolia (4-3) at Blackwater (3-3) sa alas-5:15 ng hapon.
Makikilatis dito si Murphy na siyang aasahan ni head coach Tim Cone upang maisalba ang kampanya matapos ang maalat na simula kasama ang original import na si Riley Grigsby.
Huling naglaro ang Gin Kings kasama si Grigsby sa 97-88 kabiguan kontra sa Meralco noon pang Agosto 14 bago ang halos 2 buwang pahinga ng PBA upang magbigay-daan sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa 20th Asian Games at sa Window 4 ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Nauwi si Cone sa bagong import uli dahil sa hindi pa rin puwede ang resident import na si Justin Brownlee na nagdala sa kanila sa kampeonato nitong nagdaang Commissioner’s Cup.
Bukod kasi sa natanong leg at hamstring injuries sa Window 3 ng Asian Qualifiers, may problema sa puso at blood pressure si Brownlee ayon mismo kay Cone sa pagdinig ng Senate Committee on Sports kahapon.
Sa ngayon, sasandal muna si Cone sa 29-anyos Puerto Rican-Virgin Islander na si Murphy na hitik din ang karanasan at kalibre upang makapagpasiklab para sa PBA crowd darling.
- Latest

















