Yulo siblings may training sa France
MANILA, Philippines — Daraan sa matinding training camp sina Carlos at Karl Eldrew Yulo sa France bilang paghahanda para sa 54th Artistic Gymnastics World Championships sa Rotterdam, Netherlands.
Lilipad ang Yulo brothers patungong France sa Martes para doon ipagpatuloy ang pagsasanay para sa World Championships.
“May training camp po kami sa France before going to Netherlands para sa World Championships,” ani Eldrew.
Ito ang unang pagkakataon na masisilayan si Eldrew sa seniors division ng World Championships.
Aminado si Eldrew na hindi magiging madali ang laban dahil na rin sa presensya ng mga world-class gymnasts.
Subalit handa itong ibuhos ang kanyang buong lakas upang makahirit ng podium finish.
“Hindi ko ini-expect na magkaroon ako ng podium finish but I want to expect the best from me. Gusto ko mabigay ang best ko,” ani Eldrew.
Kaya naman desidido itong sumalang sa pukpukang ensayo upang maging malinis ang mga galaw nito sa World Championships.
“Gusto ko malinis ‘yung routine ko. Gusto ko maging safe kaming lahat ng maglalaro. Gusto ko mag-enjoy kaming lahat,” ani Eldrew.
Dedepensahan naman ni Caloy ang korona nito sa vault na nakuha nito noong 2025 edisyon sa Jakarta, Indonesia.
Maliban sa gold, nakahirit din si Yulo ng tanso sa floor exercise sa naturang edisyon.
Galing ang Yulo brothers sa kampanya sa Asian Games sa Nagoya, Japan.
Nakahirit ng dalawang ginto si Caloy sa men’s floor exercise at men’s vault habang nakatanso naman si Eldrew sa men’s horizontal bar.
- Latest




















