JB may high blood, heart issues
MANILA, Philippines — Lumabas sa pagtatanong ni Senate Committee on Sports chairman Sen. Bong Go ang tunay na dahilan ng pagkawala sa aksyon ni naturalized player Justin Brownlee sa Gilas Pilipinas roster sa dalawang mahalagang torneo.
Sa harap ng pagdinig ng komite ay inamin kahapon ni national team head coach Tim Cone na may blood pressure at heart issues ang 38-anyos na si Brownlee.
“That’s why he is not playing for Ginebra at this time, and why he hasn’t played,” pagbubunyag ni Cone sa kondisyon ng seven-time PBA champion at four-time Best Import. “He’s had health concerns regarding blood pressure, heart issues, so he is not able to play at this point.”
Dahil dito ay hindi nakalaro si Brownlee sa nakaraang kampanya ng Gilas Pilipinas sa August window ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers at sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.
Huling sumalang si Brownlee para sa Nationals sa July window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers at maging sa August window ng qualifiers pati na sa Aichi-Nagoya Asiad.
Hindi nakapasok sa quarterfinals ang Gilas Pilipinas sa nasabing quadrennial event na tuluyan nang nagtanggal sa kanilang korona.
Unang idinahilan ni Cone ang pagkakaroon ni Brownlee ng hamstring strain at peroneal tendinopathy sa kanang binti bukod sa pamamaga at cartilage defects sa kaliwang tuhod.
Huli namang sumabak si Brownlee sa PBA noong Hunyo 18 sa Game Seven ng 50th Season Commissioner’s Cup katapat ang TNT Tropang 5G.
Wala pang katiyakan kung kailan muling makakapaglaro ang one-time Asian Game at one-time Southeast Asian Games champion guard.
Samantala, sinabi ni Cone na hirap silang makuha ang serbisyo nina overseas players Kai Sotto, Dwight Ramos, AJ Edu, Carl Tamayo at Kevin Quiambao.
Ito ay dahil hindi pinayagan ng kanilang mga mother ball clubs sa Japan at Korean leagues sina Sotto, Ramos, Edu, Tamayo at Quiambao para maglaro sa Gilas Pilipinas kasabay ng kanilang mga liga.
- Latest

















