GSM, TNT agawan sa 3-2 bentahe

MANILA, Philippines — Sasakay ang Barangay Ginebra sa momentum ng pambihirang panalo sa Game Four upang maitagay ang bentahe sa pamurong Game Five kontra sa karibal na TNT Tropang Giga sa 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup Finals ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Sisiklab ang duwelo sa alas-7:30 ng gabi tampok ang krusyal an 3-2 abante sa sinumang makakalusot at makakaumang ng isang hakbang mula sa asam na kampeonato.
Nakalapit dito ang Gin Kings matapos ang dominanteng 95-78 panalo sa Game Four – pinakamalaking lamang sa serye – upang makatabla sa 2-2 matapos ang masaklap na 87-85 kabiguan sa Game Three.
Sa naturang laro ay hindi nakasama ng mga bataan ni coach Tim Cone si Justin Brownlee sa second half dahil sa dislocated thumb injury at halos wala ng pag-asang makakalaro pa sa natitirang bahagi ng serye.
Subalit ipinamalas ni Brownlee ang pamosong ‘never-say-die’ spirit ng Gin Kings nang ipagsawalang bahala ang sakit at sumalang pa rin sa Game Four tungo sa 23 points, 12 rebounds, 5 assists at 2 blocks upang banderahan ang kanilang tagumpay.
Napabilib ni Brownlee ang kanyang long-time mentor na si Cone, sa Ginebra man o sa Gilas Pilipinas, kaya umaasang magsisilbi itong mas mainit na siga sa apoy ng Ginebra para sa panlamang na Game Five.
Sa katunayan ay may nakapila na sanang replacement imports ang Ginebra sa katauhan nina Gilas naturalized player Ange Kouame at kapatid ni TNT import Rondae Hollis-Jefferson na si Rahlir Hollis-Jefferson na nasa Pilipinas subalit pinili pa rin si Brownlee.
“He’s not only just a great player, but he’s such a warrior. What warrior he is to come out and play,” ani Cone.
“I didn’t think he had any chance at all to play tonight. And he not only played, but he played like this. We played a really good defensive game and we got our offense going a little bit. Hopefully, we can continue that into the next game. Hopefully we can continue to minister Justin and get him through the series,” dagdag nito.
Nakahandang umalalay kay Brownlee sina Scottie Thompson, Japeth Aguilar, Troy Rosario, Stephen Holt, Maverick Ahanmisi, RJ Abarrientos at Game Four hero Jamie Malonzo na pumukol ng 24 points.
Sa kabila nito ay hindi basta-basta titiklop ang Tropang Giga ni coach Chot Reyes lalo’t nakataya ang misyon nilang masungkit ang ikalawang sunod na korona matapos talunin din ang Ginebra sa Governors’ Cup finals.
Para magawa ito ay kakailanganin ni Hollis-Jefferson ng solidong suporta mula kina Calvin Oftana, Roger Pogoy, Rey Nambatac, Glenn Khobuntin, Poy Erram at Kelly Williams sa kawalan ni ace player Jayson Castro dahil sa knee injury.
- Latest